December 24, 2024

Ano ang kaya magiging ulat ng Pangulo sa kanyang ikalimang SONA?

Sa darating na Lunes na, Hulyo 27 ang ikalimang State of the Nation Address ng Pangulong Duterte. Ngayon pa lang, batid nating handa na ang taumbayan sa kung ano ang iuulat ng Pangulo sa bayan.

Kakaiba at madrama ang magiging SONA ng Pangulo dahil gagawin niya ito habang humaharap ang bansa sa COVID-19.

Limiin natin mga Cabalen ang mga nagawa ng Pangulo sa loob ng limang taon. Satisfied ba kayo sa kanyang pamamahala? Batid nating may magpro-protesta sa SONA.

Ang kakaiba nga lang, hindi sila magsisisigaw sa Commonwealth Avenue, sa tapat ng Batasan. Kundi, idadaan nila sa online. Katunayan, ang mga effigy ay ipakikita sa online. Kaya, magiging E-effigy ito.

Kaugnay dito, hindi rin mawawala ang pag-antabay ng oposisyon sa SONA. Inaabangan nila kung ano ang paksang magiging laman ng talumpati ng Pangulo. Ika nga ni Liberal Party (LP) President Sen. Kiko Pangilinan, dapat aniya na tumbukin o sumentro sa seryosong problema ng bansa ang laman ng ulat.

Dapat aniyang maglatag ng solusyon ang administrasyon sa puspusan pang paglaban sa COVID-19. Gayundin ang solusyon sa unemployment at gutom ng pamilyang Pilipino. Isama pa ang ilang suliranin na nagpapahirap kay Juan de la Cruz.

Alam nating ang mga paksang ito ay kasama sa magiging ulat ng Presidente. Sa pangkalahatan, satisfied naman ang mayorya sa mga Pilipino sa performance ng Pangulo.

Kabilang sa mga ito ang paglaban sa kriminalidad, droga, pagtaas ng credit rating, unti-unting paglago ng ekonomiya, ayuda sa apektado ng COVID-19 at iba pa.

Masasabi natin na ang magiging sustansiya ng SONA ng Pangulo ay ang pagpupunyaging paglaban sa gutom at kahirapan. Sapagkat ito ang lubhang nagpapahirap sa sambayanan sa gitna ng krisis ng pandemya. Kaya naman, apektado ang ating ekonomiya.Gayundin ang solusyon sa apektadong sector dahil sa COVID-19. Kabilang ang sector ng edukasyon, agrikultura, kalusugan at turismo.

Ngunit, alam kong nag-iisip din kayo mga Cabalen. Marahil tinatanong ninyo, ano kaya ang magiging sutansiya ng gagawing SONA ng Pangulo? Ano ba ang gusto nyong marinig mula sa kanya?