January 23, 2025

Annual report ng mga dayuhan, nagsimula na – BI

MANILA – Nagsimula na ang annual report (AR) ng mga dayuhan na rehistrado sa Bureau of Immigration.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na ang mga dayuhan na inisyuhan ng immigrant at non-immigrant visas ng bureau at ang mga holders ng alien certificate of registration identity card (ACR I-Card) ay maari nang mag-report nang personal sa BI main office sa Intramuros, Manila o saan mang field, satellite at extension offices ng ahensiya sa buong bansa.

“The law requires all foreign nationals to report annually within the first 60 days of a calendar year,” saad ni Morente. 

“They have only until March 1 to comply.”

Ayon sa pinuno ng BI, ang taunang report ng mga dayuhan ay nakalaan sa ilalim ng Alien Registration Act of 1950 at ang mga hindi makapagko-comply ay papatawan ng parusa, kabilang ang multa, kanselasyon ng visa, deportation at pagkakakulong.

Hinimok ni Morente ang mga hindi rehistradong dayuhan sa online appointment system ng BI na agad kumuha ng kanilang slots sa http://e-services.immigration.gov.ph para mabigyan ang mga ito ng schedule kung kailan ang kanilang annual report. 

“We reiterate that to achieve social distancing we will not allow the entry of walk-in foreigners who want to make their annual report.  They have to obtain their schedule via our online appointment system,” giit pa ng hepe ng BI.

Nilinaw niya na 800 slots para sa annual report ang naka-reserve kada araw, habang Sabado naman ay nakalaan para sa mga mag-a-avail ng serbisyo ng accredited entities at remote reporting para sa bulk applicants.

Samantala, nilinaw naman ni Atty. Jose Carlitos Licas, BI alien registration chief, puwede pa rin namang mag-report ang mga banyagang lumagpas sa 60-day period sa loob ng 30 days mula nang bumalik ang mga ito sa bansa basta’t valid pa rin ang kanilang re-entry permits.

Kailangan daw ng mga banyagang magprisinta ng kanilang original ACR I-Card at valid passport kasama na ang P300-annual report fee at P10-legal research fee.

Para naman sa nga foreigners na may edad 14-anyos pababa, puwede raw humalili sa kanila ang kanilang mga magulang o guardian.

Ang mga senior citizens at persons with disability ay exempted naman sa personal appearance at puwede silang mag-file sa pamamagitan ng representative kalakip ang Special Power of Attorney.