January 24, 2025

ANNE CURTIS NAGING EMOSYONAL HABANG NAGPAPASALAMAT SA PAGKUPKOP NG GMA SA ‘IT’S SHOWTIME’

Labis ang saya at pasasalamat ni Anne Curtis, kasama ang kanyang “It’s Showtime” hosts, matapos ang kanilang pagiging opisyal na “Kapamilyang Kapuso” makaraang maganap ang na contract signing ng noontime show sa GTV Channel ng GMA.

“In behalf of ‘It’s Showtime’ family, I would like to say thank you very much Mr. Yalong, Mr. Duavit, Ms. Annette and of course, Mr. Gozon for your kindness in welcoming “It’s Showtime” on GTV,”  nanginginig na sambit ni Curtis, na mapapanood sa Facebook page ng naturang programa kahapon.

ADVERTISEMENT

“Maraming maraming salamat for giving us a venue to continue our journey in making the Madlang People happy and keeping our noontime habit in their homes,” she continued. “On this day, I can say na G na G na po talaga kaming lahat as we celebrate this remarkable day of becoming a Kapamilyang Kapuso.”

Isang malaking buntong hininga ang pinakawalan ni Curtis sa kanyang mensahe at inamin na, “I’m so emotional.”


Ibinunyag naman naman ni Ogie Alcasid na patungo sana siya sa Qatar para sa concert pero ni-reschedule niya ito para dumalo sa naturang event.

“I really wanted to be here for many reasons. One of which [ay] gustong-gusto ko pong makita ‘yung mga dati kong boss… I also wanted to be here because of my bosses, because sila po ang laging nakikipaglaban para sa lahat ng mga Kapamilya,” saad niya. “I also wanted to be here because this is something that I didn’t want to miss.”  “Sa ating mga Kapuso, maraming salamat sa pag-welcome niyo sa aming mga Kapamilya,”  dagdag niya.

Ibinahagi naman ni Jhong Hilario kung ilang beses na siya nag-guest sa GMA shows bilang bahagi ng Street Boys bago siya tuluyang kilalanin na “Sample King” sa “It’s Showtime. Kinilala rin niya ang Kapuso network na nagtaguyod sa kanyang acting career.

“Sa inyo po na nagpatuloy sa amin sa inyong tahanan, wala po kaming ibang gustong sabihin kundi maraming salamat dahil hindi lang po ang ‘It’s Showtime’ family, [staff at crew] ang pinatuloy niyo sa inyong tahanan, kundi ang napakaraming taong sumusubaybay sa ‘It’s Showtime,’” saad niya sa GMA executives.

Nagpasalamat naman si Kim Chiu at ipinakilala ang kanyang sarili sa mga boss ng Kapuso, kung saan sinabi nito na first time niyang magtrabaho sa network.

“Ang dami nang pinagdaanan ng ‘Showtime’—ups and downs—and minsan hindi na namin alam kung saan kami mapupunta, pero nagpapasalamat kami sa mga boss namin na patuloy na lumalaban para maghatid ng saya sa lahat ng mga tao,” sambit niya.

“Thank you for giving us a home; thank you for accepting this partnership; walang hanggang pasasalamat para sa inyo for giving us this opportunity,” dagdag niya.

Binigyang diin naman ni Vice Ganda, na huling host na nagbigay ng mensahe, kung gaano siya ka-hopeful, grateful at excited sa partnership ng “It’s Showtime’ at GMA.

“Alam ko na ang pangyayaring ito ay magiging simula ng maraming napakagandang pangyayari,” wika niya.

Nakatakdang umere ang “It’s Showtime” sa GTV Channel ng GMA simula Hulyo 1.