January 23, 2025

“ANG PROBINSIYANO” MULING NAGBABALIK

Sino naka-miss kay Cardo Dalisay?

Heto’t muling nagbabalik ang Philippines’ highest rated TV program na ang “FPJ’s Ang Probinsiyano” sa Lunes na tinutukan ng ating mga Kapamilya.

Mapapanood na muli ang naturang ABS-CBN action drama sa pamamagitan ng cable at satellite TV sa Kapamilya Channel, ito’y matapos ipahinto ang broadcast operation ng naturang network noong Mayo.

Ang puwersahang shutdown ay naging malaking suntok sa ABS-CBN at ng 11,000 empleyado nito – karamihan sa kanila ay kasama sa “FPJ’s Ang Probinsiyano” – sa kabila ng kinakaharap ng pandemya kaya’t marami sa kanila ang nawalan ng hanapbuhay.

Hindi rin naawat sa pagiging No.1 show sa buong bansa ang “FPJ’s Ang Probinsiyano” na apat na taon ng namamayagpag, ayon sa nationwide data ng Kantar Media.

Tumatak na ang pangalan ni Cardo sa mga manonood, na ginagampanan ni Coco Martin.

Marami ang nalungkot nang mag-shutdown ang ABS-CBN dahil marami ang nag-aabang sa “FPJ’s Ang Probinsiyano.”

Ang “FPJ’s Ang Probinsiyano” ay isa sa ABS-CBN drama na muling magpapatuloy ang produksyon – sa ilalim ng mahigpit na safety protocols – matapos luwagan ang community quarantine, kabilang ang “Love Thy Woman” at “A Solider’s Heart.”

Sa loob ng dalawang linggo sa Kapamilya Channel, ang mga serye  ay muling ieere ang sampung episode na napanood sa ABS-CBN.

Ipapalabas ang “FPJ’s Ang Probinsyano” dakong alas-8:00 ng gabi sa Kapamilya Channel at CineMO. Mapapanood din ito sa pamamagitan ng iWant at TFC.tv.