November 22, 2024

ANG PAGTATAPOS NG MGA MAG-AARAL

ALINSUNOD sa DepEd Memorandum No. 23, s. 2024 na may petsang 02 Mayo 2024 na may pamagat na “Conduct of the K to 12 Basic Education Program End-of-School-Year Rites for the School Year 2023-2024” ay nakatakda ang pagtatapos ng mga mag-aaral na nakatugon sa lahat ng mga pangangailangan para sa taon ng pag-aaral 2023-2024 sa Kindergarten, Grade 6, Grade 10, at Grade 12, at Alternative Learning System (ALS) na may temang “Kabataang Pilipino: Para sa Matatag na Kinabukasan ng Bagong Pilipinas” sa mga petsang 29-31 Mayo 2024.

Sa kabila ng hirap ng buhay ang araw ng pagtatapos ay nagsisilbing ilaw at inspirasyon upang patuloy na magsikap sa buhay. Nakatutuwang isipin na maraming mga magulang ang nagsisikap na matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak upang makapagtapos.

Mayroon ding mga magulang na matapos pag-aralin ang kanilang mga anak ay sila mismo ay nagpatuloy ng pag-aaral at nakapagtapos. Kagaya ni Dominga Malinog, 67 taong gulang ina, na nagtapos sa Junior High School (JHS) sa pamamagitan ng ALS na ang kanyang guro ay ang mismong anak niya na si Wilfred mula sa Koranadal City, South Cotabato.

Si Dominga Malinog na nagtapos ng JHS-ALS sa edad na 67 kasama ang
kanyang anak na si Wilfred na kanyang guro

Samantala eksaktong isang dekada na ang nagdaan matapos tumatak si Lela Bab Burden bilang pinakamatandang nagtapos ng high school sa kasaysayan ng daigdig sa edad na 111 sa Booker T. Washington High School, Norfolk, Virginia, Estados Unidos noong Mayo 2014. Sa sumunod na taon siya ay yumao.

Lela Bab Burden ang pinakamatandang nagtapos ng high school sa
kasaysayan ng daigdig noong Mayo 2014

Tunay na ang araw ng pagtatapos ay para sa lahat. Walang pinipiling edad, kasarian, lahi, at paniniwala. Ang bunga ng pagsisikap ay aanihin. Magwawakas ang mga paghihirap sa bawat araw ng pagpasok sa paaralan upang makamit ang mga mithiin sa buhay sa loob ng maraming buwan at taon. Punung-puno ng kagalakan ang mga puso, hindi lamang ang mga magtatapos bagkus maging ng mga mahal sa buhay.

Ang kinasanayang buhay sa loob ng silid-aralan ay magtatapos din na maraming mga alaalang iiwan. Sa silid ay naranasan ang mga pagsisikhay na may hinaing at hirap. Subalit ang pagtatapos ay hudyat lamang ng panibagong yugto ng pakikipagsapalaran sa isang mas malaking hamon sa buhay. Nagsisilbing matibay na tuntungan ang mga naranasan sa pag-aaral upang harapin ang tunay na laban sa buhay kaalinsabay ang mga pagbabago, responsibilidad, at obligasyon sa buhay.  Kailangang palawakin at bigyan ng pansin ng mga magtatapos ang patutunguhan upang mahubog ang sarili at mapaglingkod sa bayan.

Sa yugtong ito ay marapat balikan at pasalamatan ang mga taong tumulong at naging daan upang makamit ang pangarap upang maging kapaki-pakinabang: ang mga kaibigan, mga kamag-aral, mga guro, mga magulang, at higit sa lahat ang Poong Maykapal. Pagbati sa lahat ng mga magtatapos at mabuhay!

Pagbati sa lahat ng mga magtatapos at mabuhay!