November 23, 2024

ANG MGA BANTAY SALAKAY, KAKAININ KA NG BUHAY!

Napaniwala nila tayong mga Filipino na mahal nila tayo.

Napaniwala din nila tayo na galit sila sa nang-aapi sa atin.

Lalong galit sila sa mga magnanakaw mula sa ating kaban!

‘Di po ba ang tawag dito ay “bantay salakay?”

Sa magagandang salita mula sa kanilang mga bunganga tayo ay naniwala, mga Cabalen. Umasa tayo matapos bilugin ang ating mga ulo. Hanggang sumingaw ang baho na kanilang itinatago dahil sila pala ang mga ulupong.

Sa maraming pagkakataon mga Cabalen, ang “talk to the people” ni Pangulong Duterte ay hindi ko pinag-ukulan ng pansin. Hindi ako nakinig at hindi ko pinag –aksayan ng oras sapagkat alam ko na ang kanyang mga tutukuyin.

Subalit nitong Martes, sa kanyang “talk to the people” pinag-ukulan ko ito ng pansin sa pag-asang makarinig man lamang ako ng ‘pag kastigo sa kanyang mga Gabinete at miyembro ng kanyang administrasyon na sangkot sa bilyong halaga ng pangungulimbat.

Sa aking pagka-dismaya at gaya ng laging inaasahan, hindi lumabas sa bunganga ng pangulo ang kahit anong galit at pagka–yamot sa mga tauhang sangkot sa napakalaking halaga ng nakawan mula sa kaban.

Sa halip, ininsulto ni Duterte ang mga senador na nag-imbestiga at masusing nanaliksik upang tuluyang makamit ang katotohanan. Ang mga senador na personal na inatake dahil kinalaban ang kanyang mga kakampi at patuloy na inaako ang kasalanang lumantad sa mata ng samabayanang Filipino.

Nararapat lamang po na sagutin ninyo ang mga ipinaparatang sa inyong mga kaalyado  at hindi ang pagbuntunan ng galit ang mga nagpapasingaw sa mga umaalingasaw na baho. Dahil kung walang nabubulok walang sisingaw. Kung walang apoy, wala ring usok.

Ang ating presidente na tila nakalilimot na sa kanyang sinumpaan sa kanyang bayan. Galit sa tama, pinagtatanggol ang mali. Isinara na po ba niya ang kanyang isip at ang kanyang nais ay ipagtanggol na lamang ang kanyang mga kakampi at sumusuporta sa umano’y katiwalian?

Ang napakasakit po, mga Cabalen, naghihikahos ang mamamayan. Marami ang namamatay dahil sa pandemiya. Hindi mabilang ang nagugutom. Ang inyong mga pangako na aalagaan ang inyong mga kababayan ay tila wala nang katuparan at kaliwanagan.

Unti-unti na pong lumalantad ang tunay na kulay ng administrasyon. Ang pag-insulto po ba sa Senado at COA ang sagot sa lahat ng anomalyang isinasambulat at inuugnay sa ilalim ng inyong pamamahala?

Ang bilyong piso na basta na lamang ipinagkaloob sa isang kaalyadong supplier ay inaprubahan ng walang hirap. Ibinigay ang kaban nang walang proseso, walang requirement kundi ang pagigiling malapit sa administrasyon.

Habang tayo na hindi kaibigan ng Bong Go at pangulo ay nagtitiis kung ano ang iabot sa atin? Ito po ba ang tunay na serbisyo at pagmamahal sa bayan?

Sana po, makapag-isip-isip na po sana ang kanyang mga die hard followers at tayong mga Filipinong ninakawan at patuloy na ninikawan ng ating kabuhayan.