January 19, 2025

Ang Disyembre ay Buwan ni Rizal

NGAYONG Disyembre ay ginugunita ang Buwan ni Rizal. Ang okasyon ay alinsunod sa Proklamasyon Blg. 126, na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (isinilang 1947, nanilbihan 2001-10) noong 29 Nobyembre 2001 na nagdedeklara na ang buwan ng Disyembre ay Buwan ni Rizal. Bago nito ay nagkaroon ng naunang deklarasyon para sa isang linggong paggunita sa bayani noong 1989. Subalit hindi naging sapat ang sakop ng panahon ng pagdiriwang upang mabigyan ng mataas na pagkilala si Dr. Jose Rizal (1861-96). Magtatapos ang gawain sa paggunita sa pagkamartir ng pambansang bayani pagsapit ng 30 Disyembre bawat taon.

Dr. Jose Rizal (1861-96)

Pangungunahan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP, itinatag 1933), na may mga sangay sa iba’t ibang rehiyon at ng Order of the Knights of Rizal (itinatag 1946) ang buong buwan ng pagdiriwang. Tampok sa paggaganapan ng pagdiriwang ang bantayog ng bayani sa Liwasang Rizal, Lungsod Maynila, na dadaluhan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Punong Lungsod ng Maynila Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, at G. Regalado T. Jose Jr., Tagapangulo ng NCHP. Bibigyan ng pag-aalay ng bulaklak ang pambansang bayani mula sa iba’t ibang kawani, tanggapan, at sektor ng lipunan.

Nagkakaroon din ng seremonya ng paggunita sa pangunguna ng mga Embahada ng Pilipinas at mga konsulado kabilang ang mga Pilipinong komunidad sa United States kung saan nakatayo ang siyam na bantayog ni Dr. Rizal: una sa Carson City, California; ikalawa sa Juneau, Alaska; ikatlo at ikaapat sa Kauai at Lihue, Hawaii; ikalima sa Chicago, Illinois; ikaanim sa Orlando, Florida; ikapito sa Cherry Hill, New Jersey; ikawalo at ikasiyam sa New York at Seattle, Washington. Mayroon ding paggunita sa mga bansang Argentina, Belgium, Canada, China, Finland, France, Germany, Italy, Japan, Singapore, at Spain.

Noong 30 Disyembre 1896 (Miyerkoles) ay binitay si Dr. Rizal sa pamamagitan ng firing squad sa Bagumbayan (ngayon ay Rizal Park) dahil sa mga kasong rebelyon, sedisyon, at pakikipagsabwatan. Ang bayani ay namatay sa ganap na 07:03 Umaga sa edad na 35 taon, 6 buwan, 1 linggo, at 5 araw.  Hindi ibinigay sa kanyang pamilya ang kanyang mga labi at sa halip ay agad na dinala sa San Juan de Dios Hospital (itinayo 1578), at palihim na inilibing sa Sementeryo ng Paco (itinayo 1822) na walang palatandaan. Ang kanyang ate na si Narcisa (1852-1939, ikatlo sa magkakapatid) ang naghanap sa bangkay ng kapatid na natagpuan sa nasabing sementeryo. Agad na nilagyan ng inisyal na R.P.J. (mula sa binaligtad na inisyal ng pangalan) ang libingan bilang palatandaan. Makalipas ang halos dalawang taon ay pinahintulutang hukayin ang mga labi ni Dr. Rizal, hinugasan, nilisan, at itinabi sa isang urno sa tahanan ng pamilya Rizal sa Binondo. Pagkaraan ng labing-anim na taon ay binigyan ng pormal na seremonya na inilibing sa ilalim ng kanyang bantayog bilang alaala.

Noong 20 Disyembre 1898 (Martes) ay inilabas ni Pangulong Emilio F. Aguinaldo (1869-1964, nanilbihan 1898-1901) ang kautusan ng paggunita sa kamatayan ni Dr. Rizal. Ang kautusan ay ang unang pagkakataon ng paggunita sa pagkamartir ng pambansang bayani.

Ayon kay Dr. Crisanto E. Rivera (2003), “Si Jose Rizal ay bayaning nagniningning sa langit ng ating maganda at makasaysayang kahapon. Siya ay tibok ng ating puso, katuparan ng ating ginagalawan. Higit sa alinmang panahon, ang mga Pilipino ngayon ay nangangailanagn ng huwaran ng isang tunay na lider na handang magpakasakit at maglingkod alang-alang sa bayan. Si Rizal ang katugunan sa pangangailangang iyan.”

Samantala batay sa pananaliksik ni Dr. Sonia M. Zaide (1996) mula sa ilang dayuhang tagapagmasid, “Nakahahangang pinili ng mga Pilipino ang isang pambansang bayani na hindi henyong militar, rebolusyonaryong heneral o marahas na tao. Sa halip, itinanghal ng mga Pilipino ang kanilang pambansang modelo mula sa isang tagapagtaguyod ng pagbabago sa pamamagitan ng mapayapang paraan, kaunlaran mula sa edukasyon, at rekonsilyasyon sa pamamagitan ng malayang palitan ng ideya.”

Dagdag ni Rivera, “Siya ay isa ring guro sapagkat itinuro niya sa pamamagitan ng halimbawa ang limang layunin ng edukasyon batay sa ating Saligang-Batas. Siya ang unang nagtatag ng paaralang pangmamamayan (community school) sa Dapitan, naghangad na magtatag ng makabagong dalubhasaan sa Hong Kong at naniwala na sa pamamagitan ng edukasyon ay magiging malaya ang Pilipinas.”

Mababasa sa ikatlong saknong ng huling pahimakas na tula ni Dr. Rizal ang ganito:

Mamamatay akong natatanaw

Sa likod ng dilim ang bukangliwayway,

Kung kailangan mo ang pulang pangulay,

Dugo ko’y gamitin sa kapanahunan

Nang ang liwanag mo ay lalong kuminang!

Maligayang Buwan ni Rizal!