
Sa bawat pag-alis ng isang guro patungong Amerika, may naiwan tayong puwang sa silid-aralan—at sa sistema ng edukasyon na matagal nang tinatabingan ng kawalang-pansin.
Ang kwento ni Joy Ann Balagosa, dating Principal II sa Silay City na ngayo’y nagtuturo sa Missouri sa ilalim ng J-1 exchange visitor program, ay hindi na bago. Sa halip, ito’y bahagi na ng lumalaking trend ng teacher migration sa bansa. Hindi rin natin siya masisisi. Mula sa buwanang sahod na ₱51,155, tumalon siya sa isang posisyon na kumikita ng halos 13 ulit ng kanyang dating sweldo—mula ₱350,000 hanggang ₱700,000 kada buwan.
Hindi ito simpleng usapin ng “brain drain”—ito ay malinaw na indictment laban sa isang sistemang hindi kayang bigyan ng disenteng kabuhayan ang mga tinaguriang bayani ng edukasyon. Habang ang Amerika ay bukas-palad sa pagtanggap ng mga gurong Pilipino dahil sa husay at sipag, tayo nama’y tila kampante na lang sa kanilang pag-alis, basta may kapalit lang sa plantilla.
Ayon sa ulat, nasa 45 na guro mula Negros Occidental ang umalis noong 2024 at may dagdag na 10 ngayong taon. Sa Himamaylan City pa lang, sampu na ang nagbitiw ngayong taon. Kung susuriin, hindi lamang bilang ng mga guro ang nawawala—kasama rito ang karanasan, dedikasyon, at koneksyon sa mga estudyanteng matagal nang umaasa sa kanilang gabay.
Hindi rin sapat ang tugon ng Department of Education na ang mga bakante ay “mabilis namang napupunan.” Ang problema ay hindi lang sa quantity, kundi sa quality. Sa isang bansang patuloy ang lumalaking bilang ng batang nangangailangan ng edukasyon, dapat mas aggressive ang mga polisiya sa retention ng mga guro—hindi lang sa recruitment.
Sa kabilang banda, hindi rin maikakaila na may positibong hatid ang pag-alis ng ilan: pagbubukas ng oportunidad para sa mga bagong guro. Ngunit kailan pa naging mas mainam ang pagtanggap sa kawalan kaysa ang pagsisikap na panatilihin ang mga beterano?
Ang masakit, tila inaasahan na ng DepEd ang ganitong senaryo, at tila kuntento na lamang sa “natural turnover.” Pero ang tanong: kailan pa naging natural ang pag-alis dahil sa desperasyong makatawid sa kahirapan?
May obligasyon ang estado na tiyaking hindi kailangang tumawid ng karagatan ang isang guro para lang maranasan ang dignidad ng propesyon. Kung hindi natin ito maibibigay, paano natin maaasahang may mananatili pa?
Ang exodus ng mga guro ay hindi lamang hamon—ito ay salamin ng ating kabiguan. Hangga’t hindi natutugunan ang ugat ng problema—mababang pasahod, kakulangan sa benepisyo, at kawalan ng long-term career development—ay patuloy nating masasaksihan ang unti-unting pagkaubos ng ating mga tagapagturo.
Hindi kasalanan ng mga tulad ni Joy Ann Balagosa ang lumisan. Ang tunay na kasalanan ay ang sistema na pumilit sa kanyang umalis.
More Stories
PH umaangat sa global competitiveness ranking, pero kulelat pa rin sa Asia-Pacific
DMCI Homes at MPower, nagsanib-puwersa para sa mas murang kuryente sa mga condominium
Recto, pinuri ang BCDA sa P5.17 bilyong remittance sa National Treasury