January 31, 2025

Ang Alamat ng ‘Ang Huling El Bimbo’

NGAYONG taon ay ginugunita ang ika-30 taong anibersaryo ng pagkakalikha ng ‘Ang Huling El Bimbo’ na isang awitin ng Eraserheads (nagsimula 1989) sa panulat ni Ely Buendia (isinilang 1970). Sa loob ng tatlong dekada hanggang ngayon ay patuloy na tinatangkilik at umaakit ang awit sa maraming henerasyong Pilipino.

Mahaba ang listahan ng mga karangalan at pagkilalang natamo ng nasabing awitin na naging bahagi na ng kulturang popular. Gayundin maraming mga pagkakataong inawit ang nasabing awit sa maraming okasyon sa paaralan, tanggapan, liwasan, radyo, telebisyon, pelikula, at social media; at naging bahagi ng pag-aaral at pananaliksik sa mga dalubhasaan at pamantasan.

Narito ang Walong (8) Natatanging Impormasyon ng ‘Ang Huling El Bimbo’:

01. Record. Isinaplaka ang awitin sa album na ‘Cutterpillow’ ng BMG Records (Pilipinas), Inc. na inilabas sa publiko noong 08 Disyembre 1995 Biyernes. Ang length ay binubuo ng 05:30 para sa radio version, at 07:30 ang full version.

02. Komposisyon. Ang awit ay mailalarawan bilang masayang-malungkot na “maikling epiko”na naging inspirasyon sa bandang The Beatles (1960-70), pagkilala sa aktres na si Paraluman (Sigrid Sophia Agatha de Torres von Giese, 1923-2009), at pagsayaw ng tango. Ayon kay Buendia (2024), “Mayroon akong malaking paghanga sa isang babaeng mas matanda sa akin. Siya ang nagturo sa akin ng pagsayaw, at marahil iyon ang unang pagkakataon na ako ay napamahal sa isang babaeng kagaya niya. Subalit hindi ko na siya nakikita pa.”

03. Orihinal na Music Video. Nilikha ang music video o MTV sa direksyon ni Aurareus Solito. Si Wena Basco ang gumanap bilang kaibigan sa pagkabata ng Eraserheads. Si Louie Quirino ang nanguna sa cinematography, at si Karissa Villa ang nagdisenyo ng produksyon. Nagawang maipalabas sa premiere ng GMA Supershow noong 25 Pebrero 1996 Linggo ng gabi.

04. Mga Pagkilala. Ang awitin ay nagwagi sa New York Song Festival at MTV’s Asian Viewer’s Choice Award noong 1997. Sila ang kauna-unahang Pilipinong nagwagi sa nasabing patimpalak.

05. Pamagat. Ang awit ang naging batayan para sa musical noong 2018. Ang nasabing titulo ang ginamit din bilang Reunion Concert ng banda noong 2022, at sa mga sumunod na tour sa pagitan ng mga taong 2023-2025.

06. Nilalaman ng Awit. Ayon kay Pat Sibulo (2024), Ang Huling El Bimbo ay isang awit na madaling maunawaan ng lahat. Tungkol sa pagkawala ng mahalagang tao sa sariling buhay. Batay sa liriko, may dalawang tauhan na hindi na muling nagkita dahil namatay ang isa ayon sa linyang “at ‘sang gabi nasagasaan sa isang madilim na eskinita”. Inilalarawan sa larawan ang kuwento ng dalawang tauhan, na isang lalaki at isang babae, na ang huling pagkikita’y noong sila’y sumayaw ng El Bimbo. Ang babae ay kamukha ng dating Pilipinang aktres na si Paraluman. Naging malaking puwang sa puso ng kumakanta ang babae kagaya nang pagkatapos magklase sa paaralan ay agad na didiretso sa kanyang tahanan upang magpaturo ng sayaw na El Bimbo batay sa korong “Magkahawak ang ating kamay at walang kamalay-malay, na tinuruan mo ang puso ko na umiibig nang tunay”.  Ang tono ng awit sa unang bahagi ay masaya dahil sinasabi ang mga bagay na ginagawa nilang dalawa at ang mga iniisip tungkol sa babae, at sa bandang huli ay malungkot dahil sinasabing wala na ang taong kanyang minahal at sa panaginip na lamang sila’y nagkikita’t sumasayaw ng El Bimbo.

07. Mga Aral ng Awit. Ayon kay Rosel Cuambot Palacios (2020), binubuo ng anim na pangunahing aral ang matutuhan sa awit: Una, yakapin ang bawat sandalling kasiyahan ang ibinigay ng tadhana; Ikalawa, pahalagahan ang mga taong tumanggap at nagmahal, at huwag na huwag silang talikuran; Ikatlo, sa mga isyung nagaganap sa lipunan ay huwag maging bulag, pipi’t bingi lalo na’t pang-aapi at pang-aagrabyado ang nangingibabaw; Ikaapat, isaisip at isapuso na tanging ang sarili lamang ang may kapangyarihang pumili kung ano ang ibig maganap sa buhay, huwag matakot mangarap at mangarap nang malalim; Ikalima, huwag maging duwag sa pakikipagsapalaran sa mapagbirong agos ng buhay; at Ikaanim, mahalin ang sarili at huwag iasa sa iba ang pagmamahal na ibig matamo.

08. Mga Komento sa Awit. Isa’t kalahating dekada matapos maiupload sa Eraserheads Official YouTube ang MTV ng Ang Huling El Bimbo ay nagkaroon ng mahigit sa 55M views at dinagsa ng maraming mga komento at reaksiyon ang awitin. Ang ilan ay batay sa sumusunod: Ayon kay @asheetons, “Ang huling el bimbo” taught me that, show your love, if you love her, tell her. kung nahihiya ka, lakasan mo loob mo. kasi umiikot lang sa utak mo na, baka mareject ka or what. kung mahal mo, u confess. kung mareject ka man atleast nasabi mo. wag kang gagawa ng bagay na panghihinayangan mo din balang araw. ‘sana noon pala ay sinabi na sa iyo”. Ayon naman kay @Detarte, “The most timeless, nostalgic opm song for me, pagnapapakinggan mo may mga memories na bumabalik. Gaya ng music video, mga batang 90s na ata ang huling nakaranas ng pure joy sa paglalaro sa labas, sa pag akyat sa mga puno dahil that time marami pang puno na pwedeng akyatin, tatambay sa bubong ksma ang mga tropa dahil sa kalapating alaga, pagkatapos ng buong araw na paglalaro, uuwing mabaho at madumi ang damit at pagagalitan ng nanay. Mag-aabang sa tv ng mga favorite anime shows tuwing hapon gaya ng DBZ at Ghost Fighter at masipag mag-antay ng favorite music nila sa mtv or myx. Hays ang sayang balikan ang nakaraan!”.

Ang awiting Ang Huling El Bimbo ay bahagi na ng kontemporayong panitikan na maaaring magamit at maituro sa mga mag-aaral gamit ang wikang Filipino. Tunay na ang mga awit ay nakakatulong upang mabawasan ang mga lungkot at nagbibigay ng inspirasyon sa mga hamon ng buhay.