June 20, 2025

ANAK NI REP. BENNY ABANTE, ITINALAGANG TAGAPAGSALITA NG KAMARA

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagtalaga ang House of Representatives ng opisyal na tagapagsalita, at ito ay walang iba kundi si Princess Abante, anak ng papalayong Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante.

Ang appointment ay isinapubliko sa pamamagitan ng isang press release ng Kamara, kung saan kinumpirma ni Secretary General Reginald Velasco ang pormal na pagkakatalaga ni Abante sa bagong posisyon — isang papel na matagal nang walang opisyal na tumatao sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Sa isang panayam nitong Martes, Mayo 26, sinabi ni Abante na hindi pa sila nakakausap ni House Speaker Martin Romualdez, ngunit inilahad niya ang kanyang mga plano sa bagong tungkulin.

“Makikipagtrabaho tayo nang malapit sa ating mga kaibigan sa media dito sa Kamara. Ako ang magbibigay ng opisyal na pahayag mula sa House leadership at magbibigay ng mga update sa mga kapana-panabik na kaganapan sa mga susunod na buwan,” ani Abante.

Dagdag pa niya, mahalaga umanong palakasin ang komunikasyon ng Kamara sa publiko upang masiguro ang tamang impormasyon at maiwasan ang pagkalat ng fake news.

“Ayaw talaga natin ng fake news, kaya dapat malinaw naming naipapaliwanag ang mga polisiya ng pamahalaan,” giit niya.

Hindi bago sa serbisyo publiko si Abante. Nagsilbi siyang commissioner-at-large ng National Youth Commission mula 2005 hanggang 2009, at naging konsehal ng ika-anim na distrito ng Maynila mula 2013 hanggang 2022.

Taong 2022 naman nang siya’y maging bahagi ng presidential campaign ni dating Manila Mayor Isko Moreno bilang spokesperson ng youth sector. Matapos ang halalan, hinirang siya bilang tagapagsalita at pinuno ng komunikasyon ng lungsod ng Maynila sa ilalim ni Mayor Honey Lacuna.

Si Abante ay nagtapos ng journalism at abogasya sa University of Santo Tomas (UST), at dating litigation lawyer sa Ponce Enrile Reyes & Manalastas Law Firm.

Ang kanyang ama, si Rep. Benny Abante, ay hindi pinalad sa nakaraang halalan matapos matalo ng katunggaling si Joey Uy sa maliit na agwat na 1.08%. Si Benny ay kilalang kritikal sa ilang isyu na kinasangkutan ng nakaraang administrasyong Duterte, dahilan upang batikusin siya ni Vice President Sara Duterte, na hayagang sumuporta sa kalaban nito sa eleksyon.

Bagama’t bago ang kanyang posisyon, inaasahang magiging boses ng Kamara si Princess Abante sa mga isyung pambansa—mula sa mga batas hanggang sa mga kontrobersiyang kinahaharap ng Mababang Kapulungan.