November 16, 2024

ANAK NI EVA DARREN SA PANG-IISNAB NG FAMAS SA INA: KABASTUSAN!

DISMAYADO si Fernando de Pena, anak ng beteranong aktres na si Eva Darren, sa organizers ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) 2024 awarding ceremony matapos hindi patuntungin ng stage ang kanyang ina gayung inimbitahan ito para magsilbing awards presenter ng seremonya.

Sa kanyang Facebook post ngayong araw, ibinahagi ni De la Pena ang larawan ni Darren mula sa awarding ceremony, na ginanap noong Linggo, Mayo 26, sa Manila Hotel.

Isinalaysay ni De la Pena na nakatanggap ang kanyang ina ng notice of invitation para sa FAMAS award night “ilang buwan ang nakalilipas,” kung saan sinabihan siya na magiging award presenter kasama ang beteranong aktor na si Tirso Cruz III.

Ibinahagi pa niya na excited ang aktres para sa naturang event sapagkat taong 1969 pa nang huli itong dumalo sa FAMAS awards night kung saan iniuwi niya ang Best Supporting Actress trophy para sa kanyang ginampanang papel sa pelikulang “Ang Pulubi.”

Pagpapatuloy pa ni De la Pena na minemorized at ni-rehearse pa ng kanyang ina ang ibinigay na script sa kanya, bumili rin ito ng pares ng heels, nag-avail ng hair at make-up package, at isinama ang tatlong apo sa event kahit may Signal No. 1 typhoon warning. Binanggit din niya na ang bawat seating plate para sa nasabing seremonya ay nagkakahalaga ng P5,000.

Pero ang nagyari—sa halip na si Eva ang paakyatin sa stage—isang young singer umano ang nakasama ni Tirso para magsilbing awards presenter sa gabi ng programa.

Bukod pa rito, wala rin daw naibigay na kahit anong paliwanag ang PR officer ng FAMAS kaugnay sa biglaang pagbabago sa nakalinyang programa.

Pagpapatuloy pa ni Fernando: “My Mom said ‘it’s okay’ but decided to leave nonetheless. I couldn’t blame her. Staying around was just rubbing salt on her FAMAS-inflicted wounds.”

“You would think and assume that a ’prestigious award-giving body’ who had been doing the same thing every year, over and over without fail, would have mastered their craft after 72 years. But no, not this entity,” lahad niya.

Dagdag pa niya: “To all of you people behind FAMAS, you cannot do this to an icon of Philippine Cinema! It is RUDE… It is DISRESPECTFUL… It is UNETHICAL… it is UNPROFESSIONAL to say the very least!!!”

Sa huli, inihayag ni Fernando na bagama’t pinag-isipan daw niyang gumawa ng legal na hakbang kaugnay sa isyung ito, kinumbinse raw siya ng kapatid niyang babae na ipagpasa-Diyos na lang ang lahat.