January 24, 2025

Anak ng political prisoner, nailibing na | PANANDALIAN LANG ANG PAGDADALAMHATI, LALABAN TAYO – NASINO

Nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at ng mga tagasuporta ng political activist na si Reina Mae Nasino, nakasuot ng PPE at napapalibutan ng mga jail personnel habang nagsagawa naman ng kilos-protesta sa labas ng Manila North Cemetery ang ibat’ ibang militanteng grupo sa paghatid kay Baby River sa kaniyang huling hantungan. (KUHA NI JHUNE MABANAG)

NABALOT ng tensiyon ang sana’y taimtim na seremonya matapos ‘agawin’ ng Philippine National Police (PNP) ang bangkay ni baby River –  anak na sanggol ng political prisoner na si Reina Mae Nasino – bago naihimlay sa kanyang huling hantungan sa Manila North Cemetery ngayong Biyernes.

Ayon sa Kapatid, isang support group ng political prisoner, biglang iniharurot ng PNP ang sasakyan kung saan nakasakay ang kabaong ng sanggol.

Idadaan pa sana sa Korte Suprema at Court of Appeals ang labi ng bata, kasabay ng panawagang na ina na mapalaya siya at 21 pang political detainess dahil na rin sa banta ng COVID-19 sa sisiksikang kulangan.

Pero idiniretso na ito sa naturang sementeryo kung saan pinalibutan ito ng jail guards.

“Nagmamakaawa na ang nanay at abogado ni Reina Mae Nasino sa mga guwardiya ng BJMP upang tanggalin kahit na saglit lang ang kaniyang posas para mayakap ang yumaong anak sa huling pagkakataon,” ayon sa Kapatid.

Subalit hanggang sa sandaling inilagak na ang kanyang anak sa loob ng nitso, hindi pinagbigyan ng mga otoridad ang hiling ni Nasino na matanggal ang posas kahit na sandali para mayakap ang kabaong ng namayapang anak.

Sa huling pagkakataon na kapiling niya ang kaniyang namayapang sanggol, ipinangako ni Nasino ang paglaban at pagbangon para sa kaniyang anak.

“Panandalian lang ang pagdadalamhati natin. Maghahanda tayo para sa pagbalikwas natin. Babangon tayo,” ayon kay Nasino.

Nobyembre 2019 nang maaresto si Nasino (Kadamay) kasama sina Ram Carlo Pacul­ba Bautista ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Alma Estrada Moran (Manila Workers Unity), matapos ang isinagawang raid ng Manila Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Tondo, Maynila.

Pinararatangan ang mga nabanggit na nakuhanan ng ilang baril, bala at dalawang granada, bagay na itinanim lang daw sabi ng grupong Karapatan. Matatandaan na, nasawi si Baby River noong Oktubre 9 dahil sa pulmonya matapos ma-confine sa ospital nang dalawang linggo.