November 6, 2024

ANAK NG BILYONARYONG SI ONGPIN, PINAKAWALAN (Habang iniimbestigahan ang pagkamatay ng syota)

NAGPALABAS na ng utos si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar tungkol sa nangyaring pagkamatay ng artist na si Bree Jonson, 30, na kasintahan naman ni Julian Ongpin, 29 anyos at sinasabing anak ng kilalang  negosyanteng si Roberto Ongpin.

Naganap umano ang krimen sa  isang hotel room ng Jetsom Resort noong madaling araw ng Sabado sa  Brgy. San Juan ng La Union City.

Dahil sa nangyaring insidente ng pagkamatay ng biktima ay agad inatasan ni PGen. Eleazar si Regional Director of Police Regional Office 1, PBGen Emmanuel Peralta, na tingnan mabuti ang lahat ng anggulo at posibleng dahilan sa pagkamatay ni Jonson, at kailangan masagot ang katanungan ng pamilya ng biktima tungkol sa totoong nangyari.

Base sa inisyal na report ay natagpuan ang walang buhay na katawan ni Jonson sa kuwarto ng nasabing resort kasama ang kasintahan na si Ongpin, subalit bago ang pagkamatay nito ay nakarinig muna ng ingay at komosyon ang mga kalapit kuwarto at ibang tao na naroon sa resort na nanggaling sa kuwarto ng magkasintahan na tumagal umano ng labing limang minuto.

Nakarekober din ang mga otoridad ng 12.6 gramo ng mga pinaghihinalaang cocaine sa crime scene at lumabas sa resulta ng drug test na positibo sa paggamit ng droga ang batang Ongpin.

Sinampahan naman ng kasong illegal possesion of illegal drugs si Ongpin na agad pinalaya ng La Union Provincial Prosecutor’s Office matapos na makapag piyansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

 Giit naman ng suspek na nagpakamatay o suicide ang nangyari kay Jonson.

 “Hinihintay lamang ng inyong PNP ang pagsasagawa at ang resulta ng autopsy sa mga labi ni Binibining Jonson upang malaman kung may karagdagang kaso na isasampa laban sa kanyang kasintahan,” ani ni Eleazar.

 “This is but another proof that your PNP applies the law without fear or favor. Mayaman man o mahirap, patas ang pagpapatupad natin ng batas dahil hindi lang dangal ng PNP ang nakataya dito kung hindi ang pagtitiwala ng sambayanang Pilipino on the basic but important concept of rule of law,” saad pa nito,

Iniutos na din umano ni PGen Eleazar sa mga imbestigador na siguruhin na makipag-ugnayan kay Ongpin habang gumugulong ang imbestigasyon sa krimen.

Pinuri din ng PNP Chief ang mabilis na aksyon at pagresponde ng mga pulis sa lugar ng insidente.

Nagpaabot na rin ng pakikiramay sa pamilya ng biktima si PGen. Eleazar at sinabi nito na ramdam niya ang pinagdaraanan ngayon ng mga magulang ni Jonson at dahil dito pipilitin umano ng PNP na mabigyan ng linaw dahilan sa pagkamatay ng biktima. (KOI HIPOLITO)