Patay ang sinasabing babaeng anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat matapos maipit sa engkwentro ng sundalo at umano’y New People’s Army (NPA) sa Surigao del Sur.
Batay sa report ng 3rd Special Forces Battalion, kinilala ang nasawi na si Jevilyn “Ka Reb” Campos Cullamat, na miyembro umano ng Sandatahan Yunit Pampropaganda (SYP) ng Guerrilla Front (GF) 19.
Bahagi raw ang grupo ng Northeastern Regional Committee (NEMRC) ng NPA.
Nasabat ng mga sundalo ang ilang armas, bala at dokumento sa pinangyarihan ng engkwentro sa bahagi ng San Isidro, Marihatag, Surigao del Sur.
Sa isang statement sinabi ni Rep. Cullamat na hindi malabong gamitin muli ng militar ang pagkakapatay sa kanyang anak para dikdikin ng maling akusasyon ang Makabayan bloc.
“Walang kapantay ang aking dalamhati sa pagpatay ng militar sa aking anak na si Jevilyn. Dumagdag ang dugo ng aking anak sa libong kalumaran na nagpatak ng dugo sa lupa para sa kalayaan at laban sa historikang pang-aapi ng aming hanay.”
Aminado ang kongresista na batid niya ang pagsali ng anak sa NPA dahil sa dinanas nilang abuso sa kamay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Di ako nagtataka kung sumapi sa NPA ang aking anak dahil sa patuloy na nararanasan naming mga katutubo sa mga pagmamalupit at pang-aabuso ng AFP at ng kanilang mga paramilitary groups. Naranasan mismo ito ng aming pamilya,” ani Cullamat.
“Si Jevilyn ay nasa wastong gulang na at kaya niyang magdesisyon para sa kaniyang sarili. Naniniwala ako na makatwiran ang kaniyang ipinaglalaban pero ibang porma ang kanyang pinili para mapigilan ang pamgbubusabos sa aming mga Lumad at katutubo at para magkaroon din ng makatarungang lipunan.”
More Stories
DOF: RECTO NAKAKUHA NG STRONG AI INVESTMENT INTEREST SA WEF
COMELEC IPINAGPATULOY PAG-IMPRENTA SA MGA BALOTA (Matapos ang ilang ulit na pagkaantala)
MPD, MAGPAPATUPAD NG ‘ROAD CLOSURES’ PARA SA PAGDIRIWANG NG CHINESE NEW YEAR