Umaapela ang Department of Health o DOH ng suporta ng Kongreso upang maisabatas ang ilang mahahalagang panukala na isinusulong mismo ng kagawaran para sa health care workers sa ating bansa.
Sa hybrid press briefing ng DOH, tinukoy ni Health OIC Ma. Rosario Vergeire ang pag-amyenda sa Magna Carta for Public Health Workers, para maisama na rin ang mga health care worker sa mga pribadong ospital.
Ang importanteng hangarin aniya ng Magna Carta ay maisama ang hazard pay para sa lahat ng health care workers, gayundin ang educational assistance, at mga dagdag-kompensasyon.
Ayon kay Vergeire, sa kasalukuyang batas kasi ay nasasakop lamang ang public health care workers, kaya napapanahon nang maisama na rin ang mga private health care workers.
Isa pang panukala na binanggit ni Vergeire ay ang Salary Standardization for Human Resources for Health, para sa pampubliko at pribadong sektor.
Nakita kasi aniya sa COVID-19 pandemic ang “migration” ng health care workers at may gaps sa pasilidad.
Kaya naman kapag naipasa ang Salary Standardization, magiging patas o pantay na ang sweldo ng mga private at public health care workers.
Ang pahayag ng DOH ay kasunod na rin ng sinabi ng Private Hospital Association of the Philippines na mayroong kakulangan ng health care workers sa mga pribadong pagamutan, dahil ang iba ay nag-abroad o kaya’y lumipat sa DOH hospitals dahil mas mataas ang sahod.
Binanggit din ng mga pribadong ospital na hindi kayang magtaas na sweldo maliban kung matataas na hospital fees.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA