November 5, 2024

AMPUNAN SA QC TINAMAAN NG COVID; 122 INFECTED!

Nagpaalala si Mayor Joy Belmonte na mahigpit na ipatupad ang minimum public health protocols sa lahat ng lugar upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ito’y matapos magpositibo sa COVID-19 ang 112 na mga bata at tauhan ng Gentlehands Orphanage sa Barangay Bagumbuhay.

“Mariin nating ipinapaala na ang hindi pagsunod sa minimum public health protocols ay paglabag sa RA 11332. Dapat maging mahigpit ang ating persons in authority sa pagpapatupad nito para maiwasan natin ang pagkalat ng virus,” saad ni Belmonte.

Ayon kay CESU Chief Dr. Rolando Cruz, tatlong lalaking staff ang lumabas sa ampunan upang kumuha ng kanilang first doses ng COVID vaccine noong Agosto 13. Anim na araw ang lumipas nang magkaroon ng sintomas ang mga bata.

“Kailangang mapanatili ng mga ganitong closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok sa kanila, madaling mahahawa ang lahat,” dagdag ni Cruz.

Nagpadala na umano ang Office of the City Mayor ng mga pangangailangan sa pasilidad tulad ng paracetamol, vitamins, hygiene kits, face masks, alcohol, at food packs.  

Iniutos din ni Belmonte sa CESU na masusing bantayan ang kalagayan ng mga pasyente lalo na ang mga bata. Kailangan ding magsagawa ng swab testing at contact tracing.

“Patuloy nating papalawigin ang ating swab testing at contact tracing program para maabot ang mga gaya nitong high-risk closed facilities,” wika ni Belmonte.