December 20, 2024

Amit Cup magpapatuloy sa kaunlaran ng Women’s Billiards

MAS maaksiyon at mas kapana-panabik na Amit Cup billiard championship ang matutunghayan ng sambayanan sa pagsargo ng ikalawang season ng torneo sa Hulyo.

Sinabi ni three-time world champion Rubilen Amit, co-organizer ng Amit Cup, na mas maraming babaeng bilyarista kabilang ang mga players sa mga lalawigan ang nagpahayag ng kagustuhan  na makilahok upang maipamalas ang kakayahan sa pagbabalik ng 6-leg tournament.

“After the first season which we say na very successful, maraming players from provinces particularly from Cebu ang tumawag na sa amin para makasali. We’re expecting to double the number of participants his coming second season ng Amit Cup,” pahayag ni Amit sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) Usapang Sports kahapon sa PSC Conference Room sa Malate, Manila.

“May dalawang venue kaming tinitignan na kayang mag-accommodate ng malaking bilang ng participants. Expected naming mas maraming sasali sa second Season. Masayang-masaya kami sa nangyari sa first season ng Amit Cup dahil it served the purpose of uplifting women’s billiards and strengthen the sports in grassroots level,” sambit ni Amit sa program ana itinataguyod ng Philippine Sports Commission at Behrouz Persian Cuisine.

Ikinalugod naman ni Ren De Vera, katuwang ni Amit sa pagorganisa at tumayong tournament director, ang natanggap na suporta sa torneo kasabay na panawagan na mas maraming pribadong sector ang makatuwang nila upang maipagpatuloy ang adbokasiya na mas mapataas ang kalidad ng talento sa bilyar, partikular sa kababaihan.

“Right now, may mga grupo na patuloy na gumagawa ng tournament para masustain yung development. Kamini Rubilen, binuo naming ang Amit Cup para mas marami pa taying players na madiskober at matulungan sa sports,” aniya.

Ayon kay Amit, bahagi ng kanyng responsibilidad ang maibalik ang popularidad ng bilyar at matulungan n palakasin ang women’s team.

“Yung men’s team natin ever since solid yan after Tatay Efren (Bata Reyes), andyan sina Dyango (Bustamante), Dennis (Orcollo) Carlo (Biado) tapos maraming nakalinya. Sa women’s team kailangan talagang bigyan ng pansin, right now kami lang ni Cheska (Centeno) ang mukha ng billiards sa international tournament, kaya ginawa namin itong Amit Cup to produce more talented players na puwedeng makasama namin sa Philippine Team in the future,” pahayag ni Amit.

Ang naging kampeon sa Amit Cup Season 1 na si Leslie Gaite ang bagong potensyal na nakikita ni Amit na makapagbibigay lakas sa women’s team ng bansa sa hinaharap. Sa edad na 24-anyos, impresibo ang istilo ng junior Criminology student mula sa Arellano University-Mandaluyong.

“Nerbyosa lang sa interview si Leslie (Gaite) pero sa laro buong-buo ang loob, napakahusay. Mapapahanga ka sa kanyang talent and hopefully magpatuloy yung effort niya na mag-train para masharpen pa yung skills niya. No doubt, isa siya sa future women’s player natin,” ayon kay Amit.

Iginiit naman ni Gaite na hindi biro na pagsabayin ang pag-aaral at paglalaro ng bilyar, ngunit ginagawa niya ang lahat para mas mapaunlad ang kakayahan sa sports na minahal niya mula sa unang pagkakataon na mahawakan niya ang tako.

“Malaking impluwensiya sa akin ang aking pamilya. Sa edad na 8, napapanood ko na yung mga tyuhin ko at mga pinsan na naglalaro ng bilyar, at nagustuhan ko ito kaya itinuloy ko ang paglalaro. Maraming magagaling na players kaya masaya po ako at ako angg naging kampeon,” pahayag ni Gaite, tinanghal na unang kampon ng Amit Cup matapos maungusan si Carmille Lumawag ng BacolodCity sa Finals, 9-8.

“Bawat tira kailangan sureball, hindi puwedeng sumabay dahil magaling ang kalaban,” aniya.