December 24, 2024

AMA NI BOSTON CELTICS CENTER ENES KANTER, NAKALAYA NA SA TURKISH PRISON

Inihayag ni NBA player Enes Kanter na pinalaya na ang kanyang amang si Mehmet Kanter sa Turkish prison pagkalipas ng pitong taon.  Si Kanter, na naglalaro sa koponang Boston Celtics  center ay isinilang sa Switzerland  na lumaki sa Turkey ay naging bahagi ng Turkish National Team.

Sapol pa noong 2013, naging kritiko ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan, si Kanter at tinawag na diktador ang lider. Tinawag niyang ‘Hitler of our century’ si Tayyip noong 2017.  Naniniwala si Kanter na ikinulong ang kanyang ama dahil sa magkadugo sila at pinersonal siya ng Turkish leader.

Sinentensiyahan ang ama ni Kanter ng 15 taong pagkabilanggo dahil sa kaugnayan nito kay Fehtullah Gulen, isang Turkish scholar at Islamic cleric na inakusahang nagpasimuno ng kudeta laban sa rehimeng Edrogan noong 2016. Si Kanter ay supporter ni Gulen at nangangambang maipiit din sa bilangguan at nag-aalala sa kanyang buhay sa Turkish government.

 “Wow!I could cry. Today I found out that 7 years after arresting my dad, taking him through a Kangaroo court and accusing him of being a criminal just because he is my dad,” pahayag ni Kanter sa kanyang post sa Twitter account.

Pinasalamat din ni Kanter ang kanyang mga followers dahil sa pagsuporta’t pagtulong ng mga ito sa pagpapalaganap ng political awareness at pagbatikos sa liderato ni Tayyip; na nagpabilanggo sa ilang katao ng walang basehan.

Sa ngayon, walang permanenteng pagkamamayan si Kanter at magagarantiyahan ang kanyang pagiging U.S. citizen sa taong 2021. Pinagpaliban ng ang eight-year NBA veteran ang pagluwas sa Canada para sa road games laban sa Toronto Raptors sa takot na mawalan siya ng proteksiyon sa kanyang pagkamamayan at maaaring maaresto at maipatapon pabalik sa Turkey. Aniya, malaon nang pinagpupunyagian ng Turkey na siya’y maaresto.

Noong Oktubre 2019, nagpost ng video si Kanter sa labas ng Boston mosque na nagsasabing inatake siya at binantaan ng mga bataan ni Edrogan.