November 17, 2024

Ama, kapitbahay arestado sa pananakit at pangmomolestiya sa dalagita

SA kulungan ang bagsak ng isang ama matapos sapakin ang dalagitang anak, kasama ang 56-anyos na kapitbahay nito na nanghipo at pumisil naman sa dibdib ng biktima sa Navotas City.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Chona Riano ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Navotas police, nangyari ang pananakit sa biktima dakong alas-10:50 kamakalawa ng gabi sa bahay ng mag-ama sa Maya-Maya St. Brgy. NBBS makaraang magkaroon sila ng pagsasagutan.

Sinuntok umano ng 52-anyos na ama ang dalagitang anak at hahatawin pa sana ng hawak na bangkito subalit nagawang makatakbong palabas ng bahay ang biktima.

Nagkataong nakaupo sa labas ng bahay ng mag-ama ang kapitbahay na si Hilbert Cataros, kaya’t kaagad niyang inalalayan ang dalagita at pinahid ang luha habang tinatanong kung ano ang nangyari at kung bakit siya umiiyak.

Habang nagsusumbong ang dalagita, naramdaman niya ang paggapang ng kamay ng suspek papasok sa kanyang suot na damit saka hinimas ang kanyang dibdib bago pinisil at pinanggigilan pa umano ang nipple niya.

Dito, biglang nahimasmasan ang dalagita at tumakbo patungo sa bahay ng kanyang nakatatandang kapatid na lalaki na kawani ng gobyerno saka nagsumbog kaya agad humingi ng tulong ang magkapatid sa mga barangay tanod ng Brgy. NBBS, Dagat-dagatan, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Kasong pananakit sa ilalim ng R.A. 9262 o ang Violence Against Women and Children Act ang isasampa ng pulisya laban sa ama ng biktima habang paglabag sa Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 o Child Abuse Law ang kakaharapin ng manyakis na kapitbahay.