MATINDI ang taktakang dinaanan ng Laguna Heroes bago nakamit ang buwenamanong tagumpay bilang national champion ng Philippine Chess Association of the Philippines (PCAP) All-Filipino Conference nitong nakaraang weekend lamang.
Magiting na iwinagayway ang bandera ng Laguna nina GM Banjo Barcenilla, GM John Paul Gomez, FM Efren Bagamasbad, FM AJ Literatus, Karen Enriquez, Vince Angelo Medina, Kenneth Aaron Lorenzo at Arjie Bayangat matapos lupigin ang Camarines Soaring Eagles 2-1 via armaggedon battle.
Epektibo ang gameplan ng koponan sa pamumuno ni playing coach/homegrown team owner Dr. Fred Paez katuwang sina Engr.Benjamin Dy at Oregon USA-based Jonathan Mamaril pati responde ng mga bayaning frontliners nito sa team upang ungusan ang GM Mark Paragua-led Camarines Soaring Eagles tampok ang kabayanihan nina Barcenilla at Literatus para sa Laguna na balwarte ng Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal.
“Mabigat ang mga kalaban. Butas ng karayom ang dinaanan mula north division hanggang national finals na pawang salang sa armaggedon. Breaks of the game and of course teamwork and Faith”, sambit ng pinuno rin ng samahan ng mga chess executives sa bansa na si Dr. Paez na isang taal na Laguneño mula Cabuyao.
Bagama’t nakamit na ng Laguna ang basal na kampeonato sa kauna-unahang professional na liga ng ahedres sa bansa, optimistiko si Paez na magpapatuloy ang kagitingan ng Laguna Heroes sa mga hinaharap pang giyera ng mga piyesa partikular sa susunod na PCAP Conference na “GM Wesley So Cup” ( international flavored)sa darating na Mayo 2021.
Si Paez din ang nanombrahang maging coach ng North Star Chess team sa nakatandang isang araw na PCAP All-Star Chess Festival sa Mayo 2 katunggali ang mga pambato ng South Star.
Pinapurihan naman ni PCAP Commisioner Atty. Paul Elauria ang kampeong Laguna Heroes gayundin ang runner-up Camarines Soaring Eagles sa napaka-exciting na finals at ang lahat na kalahok na koponan sa prestihiyosong torneo na naging matagumpay kabahagi ang suporta ng San Miguel Corporation.
Pinasalamatan din ni Comm.Elauria ang Games and Amusement Board sa pamumuno ni Chairman Baham Mitra sa pagiging realidad ng professional chess league sa bansa na PCAP.
KUDOS kay Doc Fred sa kanyang magiting na timon tungo sa kampeonato ng mga makabagong bayani ng Laguna. HATS OFF kay Comm. Atty Elauria sa mahusay na liderato sa bagong silang na PCAP. Natural at walang gaanong birth pains ang dinanas ng bagitong pro chess league sa ‘Pinas… MABUHAY!
More Stories
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE
Mga leader ng bansa dapat mahiya sa mga Pilipino, walang tigil sa bangayan!
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino