December 24, 2024

ALICE GUO SUMIBAT PA-MALAYSIA – HONTIVEROS

IBINUNYAG ni Sen. Risa Hontiveros na tahimik na sumibat patungong Malaysia si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay Hontiveros, umalis ng Pilipinas si Guo noong Hulyo 17 at pumasok sa Kuala Lumpur, Malaysia ng sumunod na araw.

Ipinakita ng naturang senator ang pruweba sa umano’y pagpasok ni Guo sa Malaysia, kasabay ng sesyon ng Senado.

Pagkatapos ay nagtungo sa Singapore at nakipagkita sa kanyang ama, at inang Chinese at kapatid na si Wesley.

Matapos nito ay lumipad naman ang mga ito nang sama-sama patungong China.

“Who allowed this travesty to happen? Sino ang may kagagawan nito? Hindi makakaalis si Alice Guo kung walang tumulong sa kanya na mga opisyales ng pamahalaan. Para tayong ginisa sa sarili nating mantika,” ayon kay Hontiveros.

Pero naniniwala naman si Justice Undersecretary Nocholas Ty, na nanatili pa rin sa Pilipinas si Mayor Guo.

“There has been no report to us of an attempted departure from the Bureau of Immigration,” saad ng opisyal.

Nabanggit niya na naghain pa si Guo ng mosyon para sa kanyang kaso sa Department of Justice noong nakaraang Biyernes, kung saan inilakip niya ang counter affidavit na sinumpaan sa Philippine notary public noong Agosto 14.

“There have been reported sightings from LEAs (law enforcement agencies after July 18, 2024,” ayon kay Ty.

We are currently awaiting official verification from NBI if the documents attributed to them are authentic,” pagpapatuloy niya.

Sabi naman ni Sen. Raffy Tulfo, gumamit si Guo ng private plane.
“Pag ikaw ay isang pasahero, gustong pumunta ng abroad sakay ng isang chartered plane, hindi ka na dadaan sa proseso, hindi ka na dadaan sa immigration. Derecho derecho ka na sa gate sakay ng iyong limousine, SUV and then pagdating sa tarmac aakyat na sa eroplano mo and then here comes the CIQ, Customs and Quarantine. At kung yun ay kasabwat ni Alice Guo, madaling makakalusot dahil walang CCTV na madadaanan,” saad niya.

Pinapasilip naman ni Sen. Grace Poe sa aviation authorities ang records sa umano’y pag-alis ni Guo sa bansa.

“I’m sure we have a list if they went to Malaysia. Ilan yung mga flight papuntang Malaysia? Whether it’s private or a passenger plane, we should be able to determine that kasi syempre meron yang traffic di ba? They should have a master list of who had taken off for an international flight. So that’s one possibility for us to able to track them,” aniya.

Ayon kay Hontiveros walang CCTV footage sa pag-alis ni Guo.

“Hindi po na-capture ang image nya sa CCTV. So dumaan o idinaan sya sa spot na hindi mahuhuli yugn video image nya… Tama po si Sen. Grace, baka may nagturo sa kanya at hindi lang dito sa immigration natin, posible sa immigration ng iba pang ASEAN countries,” aniya.