May 23, 2025

ALICE GUO KINASUHAN NG 62 COUNTS NG MONEY LAUNDERING

MAYNILA, Mayo 23 — Umabot na sa 62 counts ng money laundering ang isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail.

Ayon sa DOJ, si Guo ay kinasuhan ng 26 counts ng paglabag sa Section 4(a) ng Anti-Money Laundering Act (AMLA) dahil sa pagproseso ng salapi o ari-ariang nagmula sa ilegal na gawain. Mayroon din siyang 5 counts ng paglabag sa Section 4(b) dahil sa paggamit, paglipat, at pagbili gamit ang naturang ilegal na yaman.

Hindi lang si Guo ang sangkot. Kabilang sa mga idinawit sa kaso ang kanyang mga magulang na sina Jian Zhong Guo at Lin Wenyi, pati na ang kanyang mga kapatid na sina Shiela at Seimen, at 26 pang opisyal ng mga kompanyang konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon sa 48-pahinang resolusyon ng DOJ panel of prosecutors, natukoy na ang mga kita mula sa ilegal na operasyon ng POGO sa loob ng Baofu compound—na pag-aari ng real estate firm ni Guo—ay inilipat sa ibang negosyo ng pamilya upang linisin ang pinagmulan nito.

Baofu compound, ang sentro ng iskandalo, ay ni-raid ng tatlong beses dahil sa operasyon ng Hongsheng, isang POGO operator na sangkot umano sa online gambling, internet fraud, at cybercrimes. Noong 2023, mahigit 300 banyagang nationals—kadalasang Chinese—ang naaresto sa unang raid.

Sinundan ito ng panibagong raid nitong Marso 13, 2024, laban sa Zun Yuan, ang pumalit sa Hongsheng. Isinangkot ito sa labor trafficking, crypto scams, love scams, at investment fraud.

Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na ang mga kasong isinampa sa korte sa Capas ay bahagi ng resolusyong inilabas pa noong Enero. “Dahil sa dami ng charge sheets at mga kalakip nito, natagalan bago maisampa,” ani Fadullon.

Ang bagong kasong ito ay pang-walo na laban kay Guo. Una na siyang naharap sa mga kasong qualified trafficking in persons, civil forfeiture, graft, falsification of public documents, at material misrepresentation.

May apat pa siyang kasong isinasailalim sa preliminary investigation, kabilang na ang perjury, falsification ng notary public, obstruction of justice, at Anti-Dummy Law violations kaugnay ng mga property sa Pangasinan, pati na rin qualified trafficking at panibagong graft case kaugnay ng ilang tauhan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Mukhang patuloy pa ang pagbubunyag sa yaman at kapangyarihang binuo mula sa anino ng ilegal na POGO empire ni Guo.