
HANOI, VIETNAM — Pinatikim ng Iran ng unang pagkatalo ng Alas Pilipinas matapos ang isang dikit at kapanapanabik na limang-set na laban, 16-25, 25-21, 24-26, 25-23, 15-13, sa pagpapatuloy ng 2025 AVC Women’s Volleyball Nations Cup nitong Lunes, Hunyo 9, sa Dong Anh Gymnasium.
Sa tunggalian ng dalawang koponang kapwa walang talo bago ang laban, bigong panatilihin ng Nationals ang kanilang abanteng 13-11 sa deciding fifth set matapos gumawa ng sunod-sunod na errors na sinamantala ng Iranians upang agawin ang panalo.
Bagamat nakabawi mula sa 8-5 deficit sa huling bahagi ng laban, hindi na nakayanan ng Alas Pilipinas ang matatag na depensa at malinis na execution ng Iran.
Pinangunahan ni Fatemeh Khalili Chermahini ang Iran sa kanyang 21 puntos (19 attacks at 2 blocks), habang tumulong din sina Masoumeh Ghadami Tabaghdehi at Zahra Salehi na may 16 at 12 puntos.
Samantala, si Angel Canino ang nanguna para sa Pilipinas sa kanyang 20 puntos mula sa 17 attacks, 2 blocks, at 1 ace — ang kanyang ikatlong sunod na double-digit performance sa torneo. Nagsanib-puwersa rin sina Eya Laure at Dell Palomata para sa kabuuang 26 puntos, habang sina Bella Belen at Fifi Sharma ay may tigwalong puntos.
Bumida rin si Shai Nitura, isang debutant, na nakapag-ambag ng 6 na puntos, kabilang ang ilang mahahalagang tira sa crucial moments.
Dahil sa pagkatalo, bumaba sa 2-1 ang win-loss record ng Pilipinas at pansamantalang nasa ikatlong puwesto ng Pool B standings. Sa kabilang banda, umangat sa 3-0 ang Iran upang tumabla sa Kazakhstan sa unahan ng grupo.
Magkakaroon ng pagkakataon ang Alas Pilipinas na makabawi sa kanilang susunod na laban kontra sa winless na New Zealand (0-2) sa Miyerkules, Hunyo 11, sa parehong venue. (RON TOLENTINO)
More Stories
AYALA LAND, TUMINDIG SA ITAAS! Tanging Real Estate Brand sa Top 25 ng Most Valuable Filipino Brands
SARA, ILITIS SA IMPEACHMENT! 8 SA 10 PINOY GUSTONG HARAPIN NI VP ANG MGA PARATANG
QC NAGLUNSAD NG MATINDING HAKBANG KONTRA HIV