
Wala nang pinatagal pa ang Alas Pilipinas matapos nitong durugin ang Australia sa iskor na 25-13, 25-15, 25-20 sa nagpapatuloy na 2025 VTV International Women’s Volleyball Cup nitong Martes, Hulyo 1, sa Vinh Phuc Gymnasium sa Vietnam.
Ito na ang ikalawang sunod na panalo ng national team, kasunod ng kanilang four-set victory laban sa Sichuan ng China. Mula umpisa hanggang dulo, walang inatrasan ang Alas, at hinarangan ang anumang pag-asa ng Australia na makuha ang unang panalo sa torneo.
Sa kasalukuyan, nasa ikalawang pwesto ang Alas sa Pool A taglay ang 2-1 win-loss record, habang inaabangan pa ang magiging resulta ng laban ng Vietnam (2-0) at Sichuan (1-1) na maaaring makaapekto sa rankings at quarterfinal pairings.
Susunod na haharapin ng Jia De Guzman-led squad ang Est Cola ng Thailand sa quarterfinals.
Sa kabilang banda, posibleng makaharap ng Australia ang Korabelka, ang defending champion mula Russia, o ang Chinese Taipei.
Muling umarangkada si Brooke Van Sickle sa opensa, habang si Vanie Gandler ay nagpakitang-gilas sa 11 puntos mula sa 8 attacks at 3 service aces. Hindi rin nagpahuli si De Guzman na siyang nagsilbing utak ng laro, suportado ng kanyang mga kakamping sina MJ Phillips, Alleiah Malaluan, Amie Provido, at Dell Palomata.
Sa depensa, kapansin-pansin ang kontribusyon ni Justine Jazareno na nagsilbing backup ni veteran libero Dawn Catindig, at unti-unting nagpapakilala sa international stage.
Patuloy ang pag-asa ng Pilipinas na makapasok sa semifinals at maitaguyod ang bandera ng bansa sa regional volleyball scene.
More Stories
Construction worker na nanloob sa bahay ng birthday celebrant sa Antipolo, kalaboso
MAYOR ISKO: PATULOY ANG ‘PALILIGO’ NG MGA KALSADA SA MAYNILA; CURFEW SA MINOR IPATUTUPAD
Mega Job Fair