November 2, 2024

Alam ba ninyo ganito kami sa Caloocan City?

Napakaraming  dapat pagtuuunan ng pansin sa lungsod ng Caloocan.  Ang hindi natin alam ay kung inaaksyunan ba ito o hindi. At kung  nakikita ba ng lokal na pamahalaan ang kanilang pagkukulang?

Ilan lamang po dito ang pagkayamot ng ating mga Cabalen sa mga opisyal ng barangay ng kung ilang beses nang dinugas ang kanilang ayuda na hanggang ngayon ay hindi pa umano nabibigyan ng hustisya. 

Wala pa rin daw ginagawang hakbang ang ating mayor para pagbayarin ang mga lumalabag sa batas at umaabuso sa kanilang tungkulin, alinsunod sa nais ipatupad ni Pangulong Duterte.

Ang mga barangay kapitan na mandarambong at nilalabag ang batas gamit ang kanilang kapangyarihan ay nangunguyakoy pa rin dahil malakas sa chief executive ng lungsod ng Caloocan City?

Maliban pa diyan ang kabi-kabilang katiwalian. Ang pandemiya ay kahirapan para sa ordinaryong mamamayan. Subalit karangyaan naman sa mga pulitiko at opisyal ng gobyerno.

Mga Cabalen, kamakailan lamang ay napabalita ang tinatamasang karangyaan ng mga department heads ng Caloocan City.

Habang nakasakay sa yate kasama ang buong pamilya mga Cabalen ang mga taga- Caloocan po ay nag aabang ng ayuda na hindi nakakarating? Hanep sana lahat ay masagana.

Ang isang babaeng opisyal ng city hall na hindi napagkikita simula ng magpandemiya?  Paanong tumatakbo ang ehekutibo ng  lungsod kung panay lamang ang inyong utos madam?

Habang ang kanyang mga tauhan at iba pang kawani  na kailangang pumasok sapagkat bawasan pa ang kakarampot na suweldo? Naku po!

Hindi nag-iisa si Madam sa nawawala. Ang iba pang hepe na malakas kay madam ay hindi rin nagsisipasok? Siyempre naman.

Isa pa pong inerereklamo ay ang peace and order sa Caloocan City.  Sapagkat sa gabi nagkalat ang mga kabataang miyembro ng gang.

Sa katunayan, nito lamang nakaraang gabi napabalitang nag riot bandang alas-2:00 ng madaling araw ang grupo ng mga kabataan sa harap mismo ng Caloocan City Medical Center.

Walang nagrorondang tanod na sakop ng barangay! Ano ba kayo lahat tulog?  Ang nakakapagtaka malapit din ito sa C3 road kung saan naroon ang Police Community Precinct.

Malamang tulog si kapitan siyempre ganun din ang kanyang mga tauhan.

Ito pa ang kataka-taka, mga Cabalen, alam ba ninyong hanggang ngayon ay wala pang drug rehabilitation center ang Caloocan City?

Ang sinasabing rehabilitation center ay consultation at walk-in lamang ayon sa DILG sa kabila ng malaking bilang ng kaso ng droga sa lungsod.

Ayon sa DILG matagal na umano nilang hinihimok ang lokal na pamahalaan ng Caloocan na lagyan ng tamang pasilidad ang mga pasyente at drug dependents upang hindi na nakikipag-agawan sa Bicutan  at nakikiusap sa ibang lungsod.

Ayon sa DOH wala raw kakayanan ang drug rehab center ng Caloocan City dahil sa kakulangan ng pasilidad at mga  kasangkapang angkop para tumanggap ng pasyente kung kaya hindi pumapasa sa kategorya na kukupkop sa mga drug dependent ng lungsod.

Tengang kawali nga ba si mayor sa mungkahi ng DILG at DOH? Kung hindi siya sino ang magmamalasakit sa mga problemang araw-araw na kinakaharap ng mga taga-Cancaloo?

Ang mga ito, Cabalen, ay iilan lamang sa mga hinaing at pasakit na pinapasan ng ating mga kababayan.