November 5, 2024

ALAK PINAYAGAN SA CAINTA, ONLINE INUMAN INIREKOMENDA NI MAYOR KIT

PINAHINTULUTAN ni Mayor Kit Nieto ang pagbebenta at pag-inom ng alak  sa Cainta, Rizal subalit may ilang  mga kondisyones.

Ito’y sa ilalim ng pag-iral ng community quarantine sa buong lalawigan ng Rizal kung saan nabibilang ang naturang bayan.

Ayon sa alkalde, papayagan ang mga Cainteños na uminom basta’t sa loob lamang ng bahay at hindi magpapakalat-kalat sa kalye upang maiwasan na makadagdag sa problema na kinakaharap natin ngayon dulot ng COVID-19 pandemic.

At para maiba, nagbigay ng suhesityon si Mayor Kit sa mga kababayan natin sa Cainta na magsagawa na lamang ng online inuman ang mga ‘toma-tagay’ nating mga Cainteños.

Kung sa bagay, okey sa akin iyan. Para nga naman iwas COVID-19 at hindi ka pa makapag-uuwi ng virus sa iyong pamilya. Tumpak!

***

Obligado na rin mag-suot ng face shield ang mga kababayan ko sa Cainta.

Ito’y matapos aprubahan ni Mayor Kit ang Ordinance No. 2020-025 ng Sangguniang Bayan na nag-uutos sa lahat ng mga residente na magsuot ng face shield at face mask bilang proteksyon sa lahat.

Epektibo ang Cainta’s Mandatory Use of Face Shield ordinance sa kasagsagan ng community quarantine.

Ito’y bilang tugon sa inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na Presidential Proclamation 922 upang masiguro ang kaligtasan ng mga tao gayundin na maiwasan ang mabilis na pagkalat ng virus at pagkasawi ng ating mga kababayan.

Sa ilalim ng naturang ordinasa, kinakailangan magsuot ang bawat isa ng face shield sa lahat ng oras sa mga pampubliko at pribadong establisyimento gaya ng palengke, grocery, ospital, drugstore, remittance centers, financial institution, courier services center at government office.

Obligado ring magsuot ng face shield ang mga TODA o tricycle driver na sakop ng munisipalidad.

Ang mga lalabag sa face shield ordinance ay dadalo sa tatlong oras na awareness campaigns/seminar sa COVID-19 na isasasagawa ng Cainta PNP o ng barangay at iba pang local offices  at magmumulta ng P1,000.

Iginiit din ng naturang alkalde na hindi pinapayagan magbukas ang mga gym at fitness centers hanggang hindi bumababa ang kaso ng COVID-19 sa naturang bayan. Gayundin ang mga internet café dahil delikado sa mga bata.

Mahalaga ang kaligtasan ng lahat kaya mainam kung susunod na lamang tayo at huwag ng maging pasaway upang bumalik na sa normal ang ating pamumuhay.

Lord, sana ay matapos na ang krisis na kinakaharap ng buong mundo. Kayo na po sanang bahala sa aming buhay.