April 7, 2025

AKUSADO SA PAMAMASLANG SA LAGUNA JOURNO, NASAKOTE (Matapos ang 20 taon pagtatago)

KINALAWIT ng mga awtoridad ang umano’y gunman sa pamamaslang sa isang journalist sa Laguna nitong Biyernes, 20 taon matapos siyang magtago.

Hindi akalain ni alyas “Jalal” na matutunton siya ng mga tauhan ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Maj. Gen. Nicolas Torre sa Barangay Poblacion, Sapad, Lanao del Norte.

Si Jalal ang itinuturong pumatay kay Robert Ramos, reporter ng Katapat community paper, sa Cabuyao noong Nobyembre 2005.

Ayon kay Torre, kinokonsidera si Jalal na isang most wanted person sa national level na may patong sa ulo na P150,000 alinsunod sa Memorandum Circular No. 2009-46 ng Department of the Interior and Local Government.

Ayon kay Torre, na sa loob ng higit dalawang taon dekada, nagpalipat-lipat ang akusado sa Laguna at Lanao del Norte para makaiwas sa aresto.“Dahil sa nangyaring pag-aresto natulungan namin ang biktima at pamilya nito na makamit ang matagal nang inaasam na hustisya,” ayon kay Torre.