April 25, 2025

“Ako o si Isko”: Sara Duterte nagpahiwatig tatakbong Pangulo sa 2028 sa Isko rally

PHOTO COURTESY: RAPPLER

MANILA — Muling nagpa-ulan ng pang-presidency na banat si Vice President Sara Duterte sa campaign rally ni Manila mayoral bet Isko Moreno nitong Huwebes ng gabi, kung saan inalis pa niya ang official seal ng Office of the Vice President mula sa lectern at sinabing papalitan ito ng “seal ng Office of the President.”

“Tinanggal ko lang kasi iba kasi ‘yung opisina, iba rin ‘yung pangangampanya. Pero kung sa pangulo lang, pumili na lang kayo—si Isko Moreno o si Sara Duterte, wala kaming problema,” sabi ng Pangalawang Pangulo na agad namang sinalubong ng hiyawan at palakpakan ng mga dumalo.

Matatandaang noong Enero, sinabi ni Duterte na “seryoso niyang pinag-iisipan” ang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028. Pero sa tanong kung kumpirmado na nga ang kanyang kandidatura, aniya:

“Siguro kilala na ako ng mga tao ngayon. So dapat siguro mag-distinguish tayo kung ano ’yung joke at ano ’yung hindi joke.”

Hindi rin pinalampas ni Duterte ang pagkakataon para banatan ang mga Marcos. Sa parehong rally, pabirong sinabi ni Duterte na dapat ay “magpalit na ng apelyido” si Senator Imee Marcos—kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos—na agad namang tinawanan ng senador.

Ang endorsement ni Duterte kay Imee Marcos ay kasunod ng pag-atras ng senador mula sa senatorial slate ng kanyang kapatid. Nitong mga nakaraang buwan, kapansin-pansin ang lamat sa pagitan ng Marcos at Duterte camp matapos ilantad ni Imee ang umano’y pagkakaiba nila ng prinsipyo—lalo na kaugnay ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, nahaharap pa rin si Vice President Duterte sa mga isyung may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education—mga isyung iniimbestigahan ngayon ng House Committee on Good Government. Dahil dito, umusad na rin ang impeachment complaint laban sa kanya sa Kamara, bagay na ilang ulit na niyang pinabulaanan.

Sa kabila ng mga isyu, tila hindi nagpaapekto si Duterte—at patuloy ang pasaring na tila naghahanda na sa mas mataas na puwesto sa darating na halalan.

“Pangulo sa 2028? Baka hindi na joke ‘yan,” ani ng ilang supporter matapos ang rally.