September 19, 2024

AIRCON MAINTENANCE PINAGSASAKSAK NG BINATILYO

NASA kritikal na kondisyon ang isang aircon maintenance matapos pagsasaksakin ng 16-anyos sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Patuloy na inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang na nakilalang si Richard Alto, 31, ng 665 Hernandez St. Brgy. Catmon.

Kasalukuyan namang nasa pangangalaga ng City Social Welfare and Development ang suspek na si alyas “Adrian” at kalugar ng biktima.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Jose Romeo Germinal, alas-12:30 ng gabi, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Hernandez Street nang pagsasaksakin ito ng suspek sa iba’t ibang parte ng katawan sa hindi pa malaman na dahilan.

Matapos ang insidente, mabilis na isinugod ang biktima ng kanyang live-in partner sa naturang pagamutan habang kusang loob naman na isinuko sa pulisya ng kanyang ama ang suspek.