December 23, 2024

AI HINDI GANAP NA IPAGBABAWAL PARA SA 2025 ELECTIONS CAMPAIGNS  – COMELEC

HINDI tuluyang ipagbabawal ng Commission on Elections (Comelec) ang paggamit ng artificial intelligence (AI) para sa digital na election campaigns sa 2025 midterm elections.


Isinagawa ni Comelec Chairman George Garcia ang naturang pahayag nitong Huwebes nang tanungin siya ni Senador Francis Tolentino kaugnay sa digital election campaign guidelines na inilabas ng poll body noong Miyerkules.


Ipinaliwanag ni Garcia na sa ngayon ay mayroong malinaw na regulasyon sa TV, Radio at Print ads subalit walang regulasyon sa social media lalo na sa paggamit ng AI at deep fakes.


“Sa amin po, we will not absolutely prohibit the use of AI because maayos naman at maganda naman talaga kapag nagamit nang maayos kaya lang po we would like to prevent misinformation, disinformation, and fake news,” saad ni Garcia sa Senate subcommittee on finance budget hearing para sa 2025 proposed budget ng Comelec.

Kaya naman naglabas ang poll body ng guidelines sa paggamit nito kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology at online platforms para mabilis na matanggal ang fake news, misinformation at disinformation.

Sinabi ni Garcia na maaaring iparegister ang social media accounts ng mga kandidato na kanilang gagamitin sa kampanya upang madaling mamonitor.