Mariing itinutulak ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatibay ng isang agriculture information system (AIS) upang hadlangan ang manipulasyon sa presyo ng mga pagkain, tulad ng sibuyas, na sumipa sa napakataas na presyo sa merkado.
Sinabi ni Gatchalian na ang isang agriculture information system ay makakapigil sa anumang artipisyal na kakulangan na posibleng samantalahin ng mga hoarders para kumita sila nang malaki. Ang kanyang Senate Bill No. 1374 o ang Agriculture Information System Act, na kanyang inihain noong nakaraang taon, ay naglalayong magtatag ng isang AIS na magsisilbing online computer database kung saan nilalagay at iniipon ang lahat ng impormasyon tungkol sa pangangailangan para sa mga agricultural at fisheries commodities at ina-upload kasabay ng datos ng produksyon mula sa mga magsasaka sa bawat barangay.
“Lumalabas na hindi natutukan nang maigi ng Department of Agriculture ang suplay at demand ng sibuyas at umaasa lang sila sa mga datos na nilalabas ng Philippine Statistics Authority. Dapat may regular na stock balance at price monitoring na ang DA sa lahat ng produktong pang-agrikultura na makakatulong sa polisiya at tamang tyempo kung kailan mag-aangkat ng mga ito nang hindi maaapektuhan nang husto ang lokal na produksyon ng ating mga magsasaka at makakatulong sa mga konsyumer sa pamamagitan ng mas mababang presyo ng pagkain,” ani Gatchalian, sa kanyang obserbasyon sa resulta ng katatapos na pagdinig ng Senate Committee on Agriculture.
“Kung alam nila kung nasaan ang supply, doon na sila kukuha para sa Kadiwa Centers para maiwasang mabulok ang mga produktong pang-agrikultura at para malaman nila kung saan magbibigay ng suporta para mapalakas ang produksyon,” dagdag ng mambabatas.
Kapag naisabatas na ang Senate Bill 1374, ang sistema ay inaasahang hindi lamang magpapaunlad sa productivity ng mga magsasaka kundi magtitiyak din ng sapat na suplay ng pagkain sa retail centers.
Ayon kay Gatchalian, ang paglikha ng AIS ay makakatulong din para maiwasan ang hindi nararapat na pag-angkat ng mga produktong pang-agrikultura na maaaring makaapekto sa competitiveness ng mga magsasaka sa bansa.
Ayon sa panukala, iipunin ng AIS ang lahat ng datos ng sektor ng agrikultura sa isang database upang mapadali ang mga ugnayan mula sa sakahan patungo sa mga mamimili, kabilang ang pandaigdigang pamilihan.
More Stories
Marubdob na trabaho sa POC mas taimtim sa bagong taong 2025 – Tolentino
Lalaki dinampot sa higit P300K shabu sa Caloocan
Kelot na wanted sa sexual offenses sa Valenzuela, timbog!