February 3, 2025

Agri chief nagdeklara ng food security emergency sa bigas


Sa wakas ay idineklara na rin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Lunes, Pebrero 3, ang food security emergency sa bigas dahil sa pambihirang pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.

Sa inilabas na statement, sinabi ng Department of Agriculture na ibinase ang desisyon sa rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC).

Sa ilalim ng food security emergency, maaaring magbenta ang National Food Authority ng mga buffer stock ng bigas sa mga lokal na pamahalaan, na ginagawang mas abot-kaya ang murang bigas ng NFA para sa mga mamimili.

“This emergency declaration allows us to release rice buffer stocks held by the National Food Authority (NFA) to stabilize prices and ensure that rice, a staple food for millions of Filipinos, remains accessible to consumers,” saad ni Tiu Laurel.

Sa ngayon, nasa 300,000 sako ng bigas sa bodega ng NFA ang handang ibenta sa halagang P36 kada kilo.

Habang maaari naman itong ibenta ng mga local government unit sa kanilang mga residente sa halagang P38 kada kilo.