November 18, 2024

AFP: CHINA HINDI DAPAT MAKIALAM SA RESUPPLY MISSION SA AYUNGIN SHOAL

NAGBABALA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa China Coast Guard (CCG) na mag-‘behave’ at huwag pakialaman ang susunod na resupply mission ng mga miyembro na AFP na naka-destino sa Ayungin Shoal na nasa BRP Sierra Madre.

Ayon kay AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar, hindi dapat manghimasok ang China sa kanilang rotation and resupply (RoRe) mission.

Sa kasalukuyan, tinitingnan pa umano nila ang pwedeng gawin sakaling hindi sumunod ang CCG sa naging babala ng ahensya.

Ani Aguilar, nakatakda silang magsagawa ng isa pang resupply mission sa susunod na dalawang linggo.

Sa kabila aniya ng nangyaring pagbomba ng water cannon ng China sa mga miyembro ng AFP na nagsasagawa ng resupply operation sa naturang isla, tinitiyak ng buong sandahang lakas na tutugon sila sa kanilang tungkulin para masiguro ang kapakanan ng mga Pilipino sa BRP Sierra Madre. Sa huli, sinabi ng opisyal na nananatili silang committed sa pagpapanatili ng presensya ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.