December 24, 2024

ACTO: LAHAT NG PUBLIC TRANSPO PAYAGAN MUNANG MAKABIYAHE (Imbes bawasan ang distansiya)

IGINIIT ng lider ng transport alliance sa pamahalaan na payagan na munang makabiyahe ang lahat pampublikong transportasyon imbes na iklian ang physical distancing sa loob ng sasakyan.

Punto ni Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren de Luna na mas maraming commuter ang maisasakay kung papayagan nila ang lahat ng pampublikong sasakyan na muling makalarga sa kalye.

Sinabi pa ni De Luna na hindi kailangan luwagan ang social distancing standard sa mga sasakyan mula 1 metro distansiya sa 0.75 metro.

“Bakit nagkakaroon agad tayo ng pagluluwag sa distancing ngayong marami  pa namang ibang nag-aabang na payagang tumakbo at may prangkisa at nag-aabang na makapaglingkod sa mga pasahero,” saad niya sa panayam sa Dobol B sa News TV,

Itinutulak ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad sa pagpapaikli ng physical distancing sa loob ng pampublikong sasakyan noong Lunes.

Maari pa raw itong maging 0.5 metro at 0.3 metro sa mga susunod pang mga linggo. Ito raw ay para madagdagan ang ridership sa pampublikong transportasyon.

Paliwanag pa ni De Luna na tanging 30 percent lang sa karagdagang 1,800 jeepney ang pinayagan ng DOTr na makapag-operate dahil karamihan sa mga tsuper ay mas piniling bumalik na lang sa probinsiya dahil sa financial impact ng suspensiyon.

“Kahit hindi naman magkaroon ng tinatawag natin na pagluwag (sa social distancing) paunti-unti dahil may mga natira na hindi pa binibigyan ng pagkakataon na sila ay makalabas na,” aniya.

“Kung kulang ‘yan, bakit ka kailangan magbibigay (ng pagluluwag sa distancing), samantalang meron pa namang marami  na ruta na kailangan bigyan ng pagkaaktaon na makaytakbo,” dagdag pa niya.

Bukod sa jeep, dapat din daw payagan ang lahat ng mga UV Express na magbalik-operasyon, dahil 90 percent sa kanila ay suspendido dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

Tiniyak niya na susunod ang public transport sector sa health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.