
MANILA — Isang araw matapos lumabas ang resulta ng 2025 Licensure Exam for Teachers (LET), nanawagan ang ACT Teachers Partylist sa Department of Education (DepEd) na pabilisin ang proseso ng pagkuha ng 16,000 bagong guro bago ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 16.
Iginiit ni ACT Teachers National Chairperson Vladimir Quetua na bagamat positibo ang karagdagang teaching items, kulang na kulang pa rin ito kung ang layunin ay maabot ang makataong class size at international education standards.
“Wine-welcome natin ‘yan kasi napakalaki talaga ng kakulangan ng Department of Education — particularly pa lang po sa pagtuturo pa lang ‘yan,” ani Quetua.
Nauna nang inanunsyo ng DepEd na magha-hire ito ng 16,000 guro bago matapos ang ikatlong quarter ng 2025, bilang bahagi ng 20,000 teaching positions sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin nitong paliitin ang class sizes at pagaanin ang workload ng mga guro — tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ngunit ayon kay Quetua, mahigit 100,000 guro ang kinakailangang kunin upang matugunan ang tunay na kakulangan sa mga paaralan sa bansa.
“Imagine kung nagtuturo ka ng 83 estudyante — pagtatawag pa lang ng pangalan, ubos na oras. Paano pa ‘yung lesson proper?” dagdag pa niya.
Nagbabala rin si Quetua na sa ilang lugar tulad ng Quezon City, nagtuturo na hanggang Sabado dahil sa kulang na kulang na bilang ng mga guro at silid-aralan. Aniya, may mga klase pa na umaabot sa 70 mag-aaral sa isang silid.
Habang papalapit ang pasukan, ipinahayag ni Quetua ang pangamba na baka hindi umabot sa Hunyo 16 ang pagpasok ng mga bagong guro sa serbisyo.
“Ako mismo, nag-demo March, tinawagan August, pero nagka-plantilla pa lang ako ng September. Ganyan kabagal ang proseso,” aniya.
Target umano ng grupo na kahit papaano ay makapagtalaga ng 4,000 guro sa mga paaralan bago ang pagbubukas ng klase.
Bagamat sapat ang dami ng mga graduate mula sa mga education programs, maraming mga guro ang lumilipad sa ibang bansa o lumilihis ng karera dahil sa kawalan ng permanenteng posisyon sa gobyerno.
Kasabay nito, hinikayat ng ACT Teachers ang mga nanalong kandidato sa 2025 midterm elections na unahin ang kapakanan ng mga guro sa kanilang legislative agenda.
Samantala, ilulunsad ng DepEd ang pilot implementation ng bagong strengthened Senior High School (SHS) curriculum sa 727 paaralan sa school year 2025-2026. Mula sa 15 core subjects, limang pangunahing asignatura na lamang ang ituturo:
- Effective Communication
- Life Skills
- General Mathematics
- General Science
- Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino
Bagamat positibo ang tugon ng ACT Teachers sa pagbabagong ito, binigyang-diin ni Quetua ang matagal nang suliranin sa kakulangan ng mga libro at modules.
“Karamihan po sa amin, umaasa lang sa social media para sa pagtuturo,” aniya.
More Stories
Cardinal Tagle itinalaga ni Pope Leo XIV bilang bagong Titular Bishop ng Albano sa Italya
Kung Tunay ang Paghilom, Ibalik si Duterte – Atty. Sap Panelo
MGA POLITICAL DYNASTY MULING NAMAYAGPAG SA METRO MANILA MATAPOS ANG 2025 MIDTERM ELECTIONS