November 3, 2024

ACT MAY 10 HAMON KINA MARCOS AT SARA

FILE PHOTO

Iginiit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa paparating na administrasyong Marcos na kailangan ng mga “game-changing measures” upang matugunan ang pagbaba sa kalidad ng edukasyon sa bansa.

Ayon kay ACT Secretary General Raymond Basilio,  nahaharap ang education system sa “unprecedented crisis” kaya hinamon ng grupo sina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte na siyang magugung sunod na kalihim ng Department of Education (DepEd) na ipatupad ang kanilang panukalang batas.

“Game-changing measures are urgently needed to overturn the decline of education quality and to sufficiently capacitate the education system to perform its role in nation building,” ayon kay Basilio sa isang pahayag.

Binuo ng ACT ang 10-point challenge sa kanilang ika-16 na National Congress ng ACT ngayong Linggo, Hunyo 26.

Ang mga hamon na ito ay ang mga sumusunod:

1. Pagdoble ng budget ng edukasyon upang makasunod sa standard ng United Nations na dapat kasing halaga ito ng 6% ng gross domestic product;

2. Siguruhin na handa ang mga eskuwelahan sa pagbabalik ng face-to-face classes at pagdaragdag ng mga guro sa pampublikong paaralan para mabawasan ang dami ng mga estudyante sa isang klase;

3. Pagsasagawa ng makatotohanang assessment upang malaman ang lawak ng problema sa sektor ng edukasyon at mahanapan ito ng solusyon;

4. Maglaan ng sapat na teaching at learning materials;

5. Pagrepaso sa K-12 program at pagbabalik ng Philippine History sa high school curriculum, at Filipino at Philippine Literature sa tertiary curriculum;

6. Pagtaas ng sahod ng mga guro at education support personnel;

7. Pagkuha ng dagdag na education support personnel upang mabawasan ang ginagawang administrative duty ng mga guro at mas maraming oras ang kanilang mailaan sa pagtuturo;

8. Pagpapaganda ng benepisyong nakukuha ng mga education workers;

9. Pagsasabatas ng Magna Carta for Private School Teachers;

10. Pagtiyak sa academic freedom ng lahat ng guro at institusyon

Umaasa si Basilio na pag-aaralan at ipatutupad ni Duterte ang kanilang mga hamon. Sasali umano ang ACT sa kilos protesta sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa Hunyo 30 upang isulong ang kanilang mga hiling.