
HINIMOK ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson at Tingog Party-:List Rep. Jude Acidre si dating presidential spokesperson at international lawyer na si Harry Roque na magbigay na legal assistance sa mga naarestong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Qatar kamakailan lang, sa halip na umapela sa Qatari authorities.
Habang abalang-abala ang administrasyong Marcos sa pagtulong sa ating mga kababayang Pilipino na nahuli sa Qatar, mas mainam siguro na gamitin ni Atty. Harry Roque ang kanyang kakayahan bilang isang international lawyer para tulungan ang ating mga kababayang OFW sa Qatar sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal na tulong o kaya’y pagkalap ng financial support para sa kanila,” ayon kay Acidre, na isa ring House Assistant Majority Leader.
Kinuwestiyon din ni Acidre ang naging papel ni Roque sa unauthorized political gathering na nagresulta sa pagka-aresto sa mga OFW at tinawag na walang silbi ang kanyang public appeals.
“Sa intindi ko, isa siya sa mga nagbuyo sa ating kawawang mga kababayang naiipit ngayon na magsagawa ng pagtitipon. Wala namang silbi ang appeal, appeal niya sa Qatari authorities. Unang-una, wala siyang legal personality to make the appeal. Pangalawa, fugitive siya dahil sa contempt ng Kamara tapos may kaso pa siyang human trafficking dahil sa POGO,” dagdag niya.
Noong nakaraang buwan, inaresto ng mga awtoridad ng Qatar ang 20 Pilipino dahil sa umano’y paglahok sa mga hindi awtorisadong political demonstration na sumusuporta kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court sa The Netherlands.
Kabilang sa mga inaresto ang tatlong menor de edad na pinalaya na.
Una na ring nagpadala ang pamahalaan ng Pilipinas ng mga opisyal ng embahada upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Qatar at magbigay ng tulong sa mga naaresto.
Kasalukuyan ding inaayos ang pagkuha ng legal counsel para sa mga posibleng makasuhan, dahil ang mga hindi otorisadong pagtitipon sa Qatar ay maaaring magresulta sa pagkakakulong ng hanggang tatlong taon.
Sinabi ni Acidre na si Roque ay eksperto sa international law na makakatulong umano upang agad na mapalaya ang mga nakakulong na Pilipino.
“Wala naman siyang official business sa Netherlands. Hindi naman siya parte ng legal defense team doon, kaya bakit hindi na lang siya tumulong dito sa ating gobyerno upang masiguro ang kaligtasan at hustisya para sa OFWs na nakakulong sa Qatar?” dagdag pa ni Acidre.
Binigyang-diin niya na ang gobyerno ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW), ay patuloy na umaalalay sa OFWs na nangangailangan ng tulong sa ibang bansa.
Iginiit ni Acidre na habang may mga hakbang na isinasagawa ang gobyerno, ang karagdagang legal na suporta mula sa mga pribadong indibidwal tulad ni Roque, na may sapat na kaalaman, ay makatutulong nang malaki upang mapalakas pa ang mga pagsisikap na magbigay tulong.
“Ang gobyerno ay aktibong tumutulong sa ating mga OFWs sa pamamagitan ng legal na representasyon at consular support. Makakatulong kung makipagtulungan si Atty. Roque sa mga ahensiyang ito kaysa sa gumawa ng mga hiwalay na apela na maaaring hindi tugma sa opisyal na aksyon ng gobyerno,” ipinaliwanag ni Acidre.
Hinimok din ni Acidre si Roque na gamitin ang kanyang koneksyon upang makalikom ng pondo upang matulungan ang mga OFW na nahihirapan dahil sa mataas na presyo ng legal fees sa ibang bansa.
“Maraming OFWs ang nahihirapan dahil sa mahal na gastusin sa mga legal fees abroad. Bilang isang abogado sa international law, malaking bagay kung gagamitin ni Atty. Roque ang kanyang talento para makalikom ng pondo upang suportahan ang OFWs na nangangailangan ng agarang tulong,” sabi ni Acidre.
“This is not about politics; this is about helping our fellow Filipinos who are in dire need abroad. We should pool our resources and expertise together instead of acting individually,” giit ni Acidre.
“Mas magiging epektibo ang pagtulong kung sama-sama tayo, lalo na’t mga buhay at kinabukasan ng ating mga kababayan ang nakataya dito,” dagdag niya.
Noong nakaraang linggo, tinuligsa ni Acidre si Roque na naghain ng aplikasyon para sa asylum sa The Netherlands, na aniya’y isang desperadong pagtatangka upang makaiwas sa pananagutan hinggil sa umano’y pagkakasangkot sa mga offshore scam hubs o mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at mga kaugnay na krimen, kabilang ang human trafficking.
Ang hakbang ni Roque ay kasunod ng pagsasampa sa kanya ng kasong human trafficking, kasama ang dalawang iba pa, sa Department of Justice (DOJ).
Ang reklamo, na isinampa ng mga prosecutor ng gobyerno, ay nagaakusa kay Roque ng paggamit ng kanyang posisyon at impluwensya sa gobyerno upang protektahan at pahintulutan ang mga kriminal na sindikato na nagpapatakbo ng mga offshore gambling hubs sa bansa na sangkot sa human trafficking, cyber fraud at money laundering.
More Stories
INILABAS NA TRAVEL ADVISORY NG CHINA VS ‘PINAS WALANG BASEHAN – PCG
KRIS AQUINO INIINDA SAKIT NA LUPUS FLARE
AMERICAN AUTHOR, NAPAGKAMALANG ABOGADO NI DUTERTE: STOP MESSAGING ME!