December 24, 2024

ACADEMIC BREAK SA SCHOOLS, COLLEGES TABLADO SA PALASYO

IBINASURA ng Malacañang ang panawagan para sa academic break matapos ang sunod-sunod na pananalasa ng bagyo sa bansa sa kabila ng coronavirus pandemic.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay base sa pakikipag-ugnayan ng Malakanyang sa Commission on Higher Education (CHED).

Kamakailan lang kasi ay iginiit ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago at iba’t ibang organisasyon ng mga estudyante sa pamahalaan na magdeklara ng nationwide suspension classes upang mabawasan ang alalahanin ng mga estudyante, na karamihan sa kanila ay nasira ang module at computer dulot ng matinding pagbaha.

Ipinaliwanag ni Elago na kailangan academic break dahil sa pinsala dulot ng bagyo sa internet infrastructure at iba pang kagamitan sa online learning.

Pero ayon kay Roque napagpasiyahan ng CHED en banc na sa halip na academic break, palawigin na lamang ng isa o dalawang linggo ang klase sa mga unibersidad at pamantasan.

Sa mga pampublikong paaralan, blended learning at modular naman ang pamamaraan ng pagtuturo kung kaya hindi na kailangan ang academic break.