January 24, 2025

Abogado ng Atio family, guilty sa unjust vexation

HINATULAN ng Manila Regional Trial Court Branch 11 ng 30 araw pagkakabilanggo ang lady lawyer na si Atty. Lorna Kapunan matapos mapatunayang guilty kaugnay sa kasong “unjust vexation” na isinampa laban sa kanya ni UST Civil Law Dean Nilo Divina noong 2017.

Bukod sa pagkakabilanggo ay inatasan din ng Manila RTC Branch 11 si Kapunan na magbayad ng P2.5 milyong danyos.

Napag-alamang nagsampa ng kaso si Divina kay Kapunan dahil sa “obstruction of justice” kaugnay sa pagkamatay sa hazing ng law student na si Horacio Castillo.

Nabatid na binaligtad ni Manila RTC Judge Cicero Jurado Jr. ang naunang desisyon sa kaso ni Metropitan Trial Court Branch 17 Judge Karla Funtila-Abugan na nagdismiss sa kasong unjust vexation ni Kapunan.

Enero 3, 2020 nang balewalain ni Abugan ang desisyon kung saan pinagbayad pa si Kapunan ng P1 milyon sa moral damage, P1 milyon sa exemplary damage at P.5 milyong attorney’s fee.

“Wherefore, foregoing premises considered, the assailed decision dated January 3, 2020 and ordered January 31,2020 by the Hon.Karla  A. Funtila- Abugan in Criminal case no.M-MNL-1812076-CR is nullified and set aside”, nakasaad sa desisyon.

Una na rin umanong nagsampa ng reklamo si Divina dahil sa derogatory statement ni Kapunan sa ginanap na preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) sa kasong hazing na isinampa sa mga akusado sangkot sa pagkamatay ni Castillo.