May 12, 2025

ABANDONADONG SHABU LAB TUMAMBAD SA ANTIPOLO

Antipolo City — Parang eksena sa pelikula ang bumulaga sa mga operatiba ng PDEA matapos nilang salakayin ang isang bahay sa Barangay Munting Dilaw — isang high-end na village pero may itinatagong impyerno ng droga!

Noong gabi ng Mayo 9, bandang alas-8:55, pinasok ng mga tauhan ng PDEA, katuwang ang NICA at mga pulis mula sa Antipolo, ang isang bahay sa Porsche Street, Village East Executive Homes, at doon nila nadiskubre ang isang abandonadong shabu laboratory!

Hindi basta-bastang gamit ang iniwan — may drum-drum na kemikal, freezer, lab apparatus, at mga plastik na may bakas ng hinihinalang shabu!

Ayon kay PDEA Director General Usec. Isagani R. Nerez, ang lab na ito ay bahagi ng mas malawak na operasyon ng mga sindikato.

“Wala na ‘yung mga tao pero kilala na namin kung sino ang may pakana. Nagtatago na lang sila pero hindi na sila ligtas,” babala ni Nerez.

Posibleng nag-panic ang mga salarin at tumalilis bago pa man dumating ang mga awtoridad. Pero huli na — naiwan ang ebidensya at nakatutok na ang batas sa kanila!

Dagdag pa ni Usec. Nerez, ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na durugin ang mga malalaking isda sa drug trade.

Mensahe sa mga pusher at financier:

“Walang ligtas, kahit sa mga village na akala niyong safe – isusunod kayo!”