April 25, 2025

Abalos, Reyes, Manalo bibigyang ningning ang Hagdang Bato billiardfest sa Mayo 4

Walang iba kundi si Konsehal Charisse Abalos ang magiging panauhing pandangal sa pagbubukas ng Sangguniang Kabataan Hagdan Bato Libis Billiards Tournament 2025 na gaganapin sa Linggo, Mayo 4, 2025 sa Magician Billiards Elite-Shaw sa Lungsod ng Mandaluyong.

Magbibigay ng panimulang mensahe si Konsehal Abalos, anak ng kandidato sa Senado na si Benhur Abalos Jr., sa pagbubukas ng 10-ball tournament bilang bahagi ng Sports League 2025 na bukas para sa lahat ng lehitimong residente ng Hagdan Bato Libis.

Inaasahan ding magsasagawa si Konsehal Abalos ng ceremonial lag kasama sina Hall of Famer at World Champion Efren “Bata” Reyes at International Billiard and Snooker Champion Marlon Manalo.

Para sa mga nais sumali, maaaring makipag-ugnayan sa Facebook page ng SK o lumapit sa alinmang opisyal ng SK.

Si Reyes ay isang propesyonal na billiards player at kilala bilang isa sa pinakadakila sa lahat ng panahon, may mahigit 100 international titles, at ang nag-iisang manlalaro na nanalo ng world championships sa dalawang magkaibang disiplina ng pool.

Si Manalo naman ay isa ring batikang billiards champion, may mga titulo gaya ng Philippine National Championship, Texas Hold ‘Em Billiards Championship at maraming gintong medalya sa Southeast Asian Games. (DANNY SIMON)