November 22, 2024

ABALOS, MARBIL NASA INDONESIA PARA SUNDUIN SI ALICE GUO PABALIK NG PINAS

SUSUNDUIN ng dalawang mataas na opisyal ng gobyerno ng Pilipinas si Guo Huang Ping o mas kilala bilang Alice Guo sa Indonesia pabalik sa ating bansa.

Nadakip ng Indonesian authorities si Guo nitong Miyerkules ng madaling araw sa isang hotel sa Jakarta matapos sumibat ng Pilipinas noong Hulyo sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon laban sa kanya kaugnay ng pagkakasangkot sa illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), dumating nitong Huwebes ng madaling araw sina Interior Secretary Benjamin Abalis Jr. at Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil para sunduin si Guo.  “SILG Benhur Abalos, along with PGen Rommel Marbil, landed in Soekarno Hatta International, Jakarta Indonesia, on September 5, 2024, at 2:30 a.m. exactly,” ayon sa DILG.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ililipat nila si Guo sa Senate sergeant-of-arms kapag nakauwi na ito ng Pilipinas sapagka’t ang upper chamber ang nag-isyu ng arrest order laban sa kanya.

Una nang nadakip ng Indonesian authorities ang kapatid ni Alice na si Shiela Guo at ang umano’y business associate na si Cassandra Li Ong. Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Senado at Kamara.

Matatandaan na ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros na umalis ng Pilipinas si Guo noong Hulyo 18 at mula Malaysia, nagtungo sina Alice at Shiela Guo patungong Singapore at dumiretso sa Indonesia noong Agosto 18.