November 24, 2024

‘Tele-Aral Program’ inilunsad ng Taguig bago ang pagbubukas ng klase

Pormal nang inilunsad ang “Tele-Aral” program ng Taguig City government bilang bahagi ng kanilang blended learning education na pinangunahan ni Mayor Lino Cayetano na ginanap sa Senator Renato “Compañero” Cayetano (SSRC) Science and Technology High School sa nasabing lungsod. (DANNY ECITO)

INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Taguig City ang kanilang “Tele-Aral Program” upang tulungan ang mga estudyante sa blended learning habang may coronavirus pandemic.

Nag-set up ang city government ng 15 telephone lines na tatauhan ng call center supervisors, 20 karagdagang substitute at support staff at 50 Mac desktop computers na may naka-install na communication applications at headsets para sa Tele-Aral Center.

“Kailangan ho tanggapin nating magiging kakaiba ho ang taon na ito. Hindi madali ito sa ating magagaling na teachers, sa mga opisyales ng Department of Education, sa mga magulang, sa mga estudyante,” ayon kay Mayor Lino Cayetano kasabay ng pagpapasinaya sa Tele-Aral Center sa Senator Renato “Compañero” Cayetano (SSRC) Memorial Science and Technology High School.

Simula sa Oktubre 5 ay magsisimula na ang klase sa mga pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng naturang programa, sakaling may tanong ang isang estudyante o magulang hinggil sa modules ay maaari itong tumawag at agad na ire-refer ng operator sa teachers na sumailalim sa online teaching training ng lungsod.

Ayon kay Cayetano, kapag mas mabigat ang problema at kailangan na ng gabay ay tutulong na ang 500 tutors na sasanayin ng LGU sa health protocols upang sila na mismo ang bibisita sa bahay ng mag-aaral.

“Through easy access to a broad body of knowledge, teachers, teaching personnel, and technology, Taguig City launches the Taguig Tele-Aral Program to highlight both quality education and importance of safety for teachers and students amidst the pandemic,” saad ni Cayetano.

Magkakaroon din ng call center supervisor at 20 pang karagdagang substitute at support staff para tiyakin ang maayos na operasyon.

Bumuo rin ang Taguig ng sariling curriculum at module sa tulong ng mga espesyalista na kinabibilangan ng mga regional director at superintendent ng Department of Education, at manpower mula sa local at international schools sa lungsod para tiyakin ang mataas na kalidad ng kanilang academic content.

Nasa 144,000 ang bilang ng mag-aaral na naka-enroll sa Taguig para sa school year 2020-2021 ngunit nilinaw ni Cayetano na maging ang mga estudyante mula sa ibang lungsod sa Metro Manila ay handa nilang alalayan sa pamamagitan ng Tele-Aral service.