November 23, 2024

PNP, AFP HUGAS-KAMAY SA MGA FAKE ACCOUNT (Matapos mabisto ng Facebook)

IGINIIT ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police na hindi nila hawak ang mga account na nabisto ng Facebook na nagpapakalat ng maling impormasyon.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ng dalawang kampo na kanilang pinapahalagahaan ang “katotohanan at pananagutan” at alam din nila ang kapangyarihan ng paggamit ng social media.

Ang naturang pagtanggi ay nag-ugat matapos sinara ng Facebook ang mahigit sa 100 pekeng account na nakabase pa sa China at mina-manage umano ng mga tao na konektado sa police at militar.

Matatandaang sinabi ni Nathaniel Gleicher, head ng Facebook security policy, binura ang mga Facebook account dahil sa “coordinated inauthentic behavior”.

Kabilang aniya sa naturang domestic network ang 57 Facebook account, 31 page, at 20 Instagram account. Mayroon silang higit 276,000 FB follower at 55,000 IG follower.

Naging pinakaaktibo aniya ang network mula 2019, sa kasagsagan ng talakayan sa kontrobersiyal na Anti-Terrorism Act.

“We are attributing this network to the Philippine military and the Philippine police. In particular, we found links between, behind this network connected to both of these organizations and individuals associated with those organizations,” saad niya pa.

Bukod dito, may isa pang network na natunton ang Facebook na gumagawa ng CIB.

Isa aniya itong grupo mula sa Fujian province, China na nagpo-post pawang tungkol sa pagsuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa posibleng pagtakbo bilang pangulo ni presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Sabi ni Gleicher, nagpo-post din ang mga page at account na ito tungkol sa mga balita sa West Philippine Sea, operasyon ng United States Navy, at mga overseas Filipino worker, at kritisismo laban sa media site Rappler sa mga wikang Chinese, Ingles, at Filipino.

Sa ginawang coordinated meeting sa Camp Crame kanina, sinabi ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay na sumusunod ang kanilang organisasyon sa standard ng Facebook.

Pero ayon kay Gapay, ipapa-check nila ang mga Facebook account ng mga sundalo at makikipag-ugnayan din sila sa Facebook Philippines sa inilabas nilang ulat.

Sa panig naman ni PNP Chief Camilo Cascolan, nanindigan ito na wala rin silang mga paglabag dahil hindi nila kinukunsinte ang fake news.

Una ng inutos ni Cascolan ang pag-iimbestiga noong Setyembre 10 sa mga Facebook pages na hawak ng mga police stations na isinasangkot ang mga aktibista bilang terorista.

Wala pang inilalabas na update ang PNP magmula ng umpisahan ang pag-iimbestiga.