November 23, 2024

60 AETA VENDOR NAKINABANG SA LIVELIHOOD PROGRAM NG CDC, MABALACAT

LIVELIHOOD PROGRAM PARA SA AETA VENDORS: Nakipagtulungan ang Clark Development Corporation (CDC) sa lokal na pamahalaan ng Mabalacat upang magbigay ng tulong pinansiyal at essential livelihood materials para sa 60 Aeta vendors na miyembro ng Clark Freeport Zone (CFZ) Vendors Association. Pinangunahan nina (mula sa kanan hanggang kaliwa) CDC President and CEO Noel F. Manankil, CDC Director Nestor Villaroman,Jr., CDC Chairman Jose “Ping” De Jesus, Mabalacat City Mayor Crisostomo Garbo, at CDC-Assistant Vice President for External Affairs Rommel Narciso ang paggawad ng financial assistance, grocery packs, uniforms, at IDs sa mga benepisyaryo ng livelihood program. (CDC-CD Photo)

CLARK FREEPORT – Nasa 60 vendor mula sa Indigenous Peoples (IP) community na malapit sa nasabing Freeport ang nakinabang kamakailan lang sa pinagsamang livelihood program ng Clark Development Corporation (CDC) at lokal na pamahalaan ng Mabalacat sa Pampanga.

Sa isinagawang seremonya sa Clark Skills and Training Center (dating Clark Polytechnic), nakatanggap ang mga miyembro ng Clark Freeport Zone (CFZ) Vendors Association ng pinansiyal na tulong mula sa Mabalacat City, habang ang relevant materials para sa kanilang organisasyon, gaya ng mga uniporme at ID, ay ipinagkaloob ng CDC. Bukod pa riyan, nabigyan din sila ng grocery packs kabilang ang mga delata at iba pang essential food items.

Ang paggawad ng financial assistance, uniforms, at IDs ay pinangunahan nina CDC Chairman Jose “Ping” De Jesus, CDC President Noel F. Manankil, CDC Director Nestor Villaroman, Mabalacat Mayor Crisostomo Garbo, at CDC Assistant Vice President for External Affairs Rommel Narciso.

Sa isinagawang aktibidad, sinabi ni De Jesus na papayagan ng programang ito ang mga vendor na magkaroon ng designated area sa Freeport kung saan maari nilang ibenta ang kanilang produkto.

Pinasalamatan din niya si Garbo para pangunahan ang naturang hakbang upang mapabuti ang kabuhayan ng IPs mula sa mga komunidad na malapit sa Freeport na ito.

 “Magkakaroon kayo ng isang lugar kung saan kayo na ang pupuntahan ng mga customer para bumili ng inyong mga tinitinda. Pinapasalamatan ko din ang ating Mayor (Garbo) dahil malaking tulong ito para sa inyo (You will now have a place where customers can go straight to you to buy your products. I also thank our Mayor [Garbo] because this is a big help for you),” sambit ni De Jesus sa mga Aeta vendor.

Ang mga benepisyaryo ng programang pangkabuhayan ay binigyan ng paunang tulong pinansyal na P1,000, at ibibigay din sa kanila ang karagdagang tulong sa oras na maayos na ang kanilang itinakdang selling area.

Lumikha ng programa ang CDC upang tulungan maiangat ang pamumuhay ng IP communities na malapit sa Freeport. Kabilang sa mga ito ay ang Aeta Pagsasarili Project at Soap Making Livelihood Program.

Mayroon ding mga proyekto ang state-owned firm sa kalusugan, trabaho, at iba pang special project.