November 2, 2024

MAG-ASAWA NAHULIHAN NG P2-M SHABU (Menor de edad na anak, isinasama sa kalokohan)

NAKUMPISKA ng mga awtoridad ang humigit-kumulang sa P2 milyon mhalaga ng shabu sa isang mag-asawa na nasakote sa buy-bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director Ronaldo Ylagan ang mga suspek na si Saad Beraur, 35 at kanyang asawa na si Emma, 33, kapwa ng Barangay 188, Tala Caloocan na naaresto matapos bentahan ng P32,000 ng shabu ang isang undercover police dakong alas-3:20 ng hapon sa Camaro Str., Brgy. 175, Camarin.

Ayon kay General Ylagan, ang menor de edad na anak ng mag-asawa na nasa loob ng isang Toyota Hi-Ace van (NAX-1789) habang isinasagawa ang transaksyon ay na-rescue ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kasunod ng pagkakaaresto ng kanyang mga magulang.

Narekober ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Joel Guimpatan at P/Capt. Deo Cabildo sa mag-asawa ang dalawang medium size plastic sachets at apat medium knot-tied ice plastic bags na naglalaman ng aabot sa 400 gramo ng shabu na may standard drug price P2,720,000.00 ang halaga, marked money kabilang ang 1 pc tunay na P1,000 at 31 pcs boodle money at ang Hi-Ace van na kanilang ginagamit sa illegal activities.

Nakuha din sa mga suspek ang silver weighing scale, cellphone, tatlong automated teller machine (ATM) cards at dalawang bank passbooks.

Sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Dario Menor, ang mag-asawa ay kapwa nasa drug watch list ng pulisya at barangay na responsible umano sa paglaganap ng illegal drugs sa North Caloocan.