NANINIWALA ang Malacañang na tapos na ang “worst” ng COVID-19 pandemic habang patuloy na dumarami ang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Pilipinas.
Ito ang naging tugon ni Presidential spokesperson Harry Roque sa inilabas na survey ng Social Weather Station kung saan lumalabas na kalahati o 57 porsiyento ng mga Pinoy ang naniniwala na ang pinakamasamang epekto ng nagaganap na krisis sa kalusugan ay nangyari na.
“Naintindihan po natin iyong pessimism ng ating kababayan dahil napakahirap po talaga nitong pandemya na dinulot nito ‘no. Pero ang masasabi ko lang po, the worst is over!” saad ni Roque sa isang panayam sa PTV.
Inamin ni Roque na tinamaan nang husto ang bansa dahil kailangan isara ng pamahalaan ang ekonomiya sa pamamagitan ng total lockdown upang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.
“Kaya lang naman po talaga tayong we hit rock bottom dahil sinara natin ang ekonomiya. Kaya nga po ngayon ang ating panawagan sa lahat, puwede po tayong mabuhay na nandiyan pa ang COVID dahil hanggang wala namang bakuna, walang gamot eh talagang matatagalan ang ating pandemya ‘no,” ani ni Roque.
“Pero ang sinasabi lang po ng ating Pangulo, puwede naman pong mabuhay basta pag-ingatan po ang ating mga kalusugan para tayo ay makapaghanapbuhay at makakamit natin ito sa pamamagitan ng hugas, mask at iwas,” dagdag pa niya.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY