November 21, 2024

89 BARANGAY CAPTAIN NA MASISIBA SA SAP, SUSPENDIDO

SUSPENDIDO ang 89 barangay captain sa loob ng anim na buwan dahil sa mga anomalya sa pagpapatupad ng first tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Ipinag-utos ito ng Office of the Ombudsman matapos maghain ng reklamo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa mga nasabing opisyal ng barangay.

Inatasan na ni DILG Secretary Eduardo Año ang mga municipal at city mayor na ipatupad ang naturang kautusan sa oras na ito’y kanilang matanggap.

Pinatitiyak niya rin sa mga DILG regional at field officer na maipapatupad ang suspension order.

Nabatid na karamihan sa mga nasuspindeng kapitan ay puro taga-Ilocos region, Cagayan Valley at Metro Manila.

Pinakamaliit na bilang naman ng sinuspindeng barangay captain sa Cordillera Administrative Region at Caraga region.

Wala namang napabilang na sinuspindeng tserman sa Soccsksargen region, dagdag pa ng DILG.

Samantala, ayon naman kay DILG Undersecretary and spokesman Jonathan Malaya, ang pagkakasuspinde ng 89 barangay chairpersons ay ang kauna-unahang malawakang suspensiyon na nanagyari sa kasaysayan ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Malaya, na sinampahan na rin ng kasong kriminal ng Philippine National Police-Criminal and Investigation Detection Group laban sa 447 indibidwal dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 11469 (Bayanihan Act I), at RA 6713 (Code of Conduct of Government Officials and Employees) na may kaugnayan sa implementasyon ng SAP.

Sa 447 indbidwal na ito, 227 rito ay mga elected official, 104 ang ang appointed barangay officials at 132 ay civilian co-conspirators.

Inilunsad ng national government ang cash subsidy program nito para sa mga mahihirap nating kababayan na kakapiranggot lamang ang kinikita matapos i-lockdown ang ilang lugar dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa ilalim ng SAP, ang bawat benepisyunaryo ay makatatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 cash subsidy para sa dalawang tranche base sa umiiral na minimum wage rates sa kanilang mga rehiyon.