November 23, 2024

28 NE students nakinabang sa scholarship ng CDC

PINALAWIG ng Clark Development Corporation (CDC) ang abot-tanaw nitong programa na Corporate Responsibility (CSR) nang pangunahan ni President at CEO Noel F. Manankil (ikatlo mula sa kaliwa) ang pagbibigay ng tseke kay Santa Rosa Municipal Mayor Josefino M. Angeles (gitna). Nasa larawan din sina CDC Director Nestor I. Villaroman Jr. (ika-lima sa kanan), CDC AVP for External Affairs Rommel C. Narciso (ikalawa sa kaliwa), CDC Communications Head Noel G. Tulabut (una sa kaliwa) and Santa Rosa Municipal Administrator Argee Esquejo (una sa kanan). Umabot sa 28 scholar mula sa Nueva Ecija University of Science and Technology ang nabigyan ng educational assistance. Mayroon din CSR programs ang naturang state firm sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Pampanga at Tarlac. (Kuha mula sa CDC-CD)

CLARK FREEPORT – Makatatanggap ng scholarship ang 28 na estudyante ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) mula sa Clark Development Corporation (CDC) matapos lagdaan ang kasunduan sa pagitan ng state-owned firm at lokal na pamahalaan ng bayan ng Sta. Rosa sa Nueva Ecija sa isinagawang simpleng seremonya kamakailan lang.

Ang mga estudyante mula sa Nueva Ecija ang unang benepisyaryo ng CDC sa labas ng mga lalawigan ng Pampanga at Tarlac, habang patuloy ang state-owned firm sa pagpapalawig ng tulong hindi lamang sa kalapit na komunidad, kundi maging sa iba pang lalawigan.

Ang naturang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagbibigay ng pinansiyal na tulong para sa edukasyon ng mga estudyante ng NEUST ay nilagdaan ni CDC President-CEO Noel F Manankil at Sta. Rosa Municipal Mayor Josefino M. Angeles.

Ang nasabing event ay sinundan ng turnover ng tseke na may halagang P980,000 na magagamit sa edukasyon ng mgahihirap na estudyante na naninirahan sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Inaprunahan ni Manankil ang pagpapakaloob ng financial assistance dahil na isa itong mahalagang bagay na karapat-dapat lamang suportahan.

 “We saw a very good (educational) program, there are already graduates, and there are some that are currently enrolled,” wika ni Manankil.

Naroon din sa nasabing event sina CDC Director Nestor I. Villaroman Jr. at AVP for External Affairs Rommel C. Narciso. Dumalo rin sina CDC VP for Security Services Atty. Ramsey L. Ocampo, VP for Admin and Finance Mariza O. Mandocdoc, at Communications Division Manager Anthony Emmanuel G. Tulabut.

Habang kasama naman ni Angeles ang kanyang Municipal Administrator Argee Esquejo.

Pinasalamatan din ni Angeles ang CDC executives dahil sa pagsuporta nito sa kanilang programa sa pagkakaloob ng pinansiyal na tulong sa mga karapat-dapat na estudyante mula sa mahihirap na pamilya sa kaniyang bahay.  “Ang bayan ng Sta. Rosa ay lubos na nagpapasalamat sa Clark Development Corporation. Sa ngalan po ng Santa Rosa, amin pong pagsisikapan at papatnubayan ito pong ibibigay ninyong programang ito,” saad niya.

Ang CDC sa pamamagitan ng kanilang Corporate Social Responsibility Placement Division (CSRPD) ay naging matatag sa loob ng ilang taon sa pagtulong sa education at livelihood program upang tulungan ang mga indibidwal na maabot ang kanilang pangarap.

Kabilang sa CSR project ay ang OB Montessori Family Care Center, CDC Academic Excellence Award, soap making project, ‘Aetapreneur’ at iba pa.