November 23, 2024

Miyembro ng “Alvarez Carnapping Group”, 1 pa timbog sa shabu at baril

ARESTADO ang dalawang umano’y sangkot sa illegal na droga kabilang ang aktibong miyembro ng “Alvarez Carnapping Group” na wanted din sa kasong robbery sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela city, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang naarestong mga suspek na si Ericson Vistro, 25, ng Meycauayan, Bulacan at Leo Carroza, 52, ng 122 San Diego St. Rd. 1, I Marcelo, Brgy. Malanday.

Sa imbestigasyon ni PCpl Pamela Joy Catalla, bandang alas-9:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PSMS Renato Santillan kasama si PCpl Randy Canton at PCpl Redentor Pellesco sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Ronald Snachez ang buy-bust operation kontra kay Vistro sa Road 1 Lingahan, Brgy. Malanday.

Nang tanggapin ni Vistro ang P500 marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay siyang dinamba ng mga operatiba kasama si Carrazo.

Nasamsam sa mga suspek ang aabot sa 4 gramo ng shabu na nasa 27,200 ang halaga, isang revolver na kargado ng limang bala at isang basyo, buy-bust money P600 cash.

Kasabay nito, isinilbi din ng Intelligence Section sa pangunguna ni PCPT Marissa Arellano kay Vistro ang isang warrant of arrest sa kasong Robbery na inisyu ni Hon. Teresita Asuncion Rodriguez, Presiding Judge ng MTC Branch 82, Valenzuela city na may nirekomendang P24,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ani Col. Ortega, si Vistro ay aktibong miyembro din umano ng “Alvarez Carnapping Group” na na-ooperate sa lungsod.